Tulfo

Tulfo sa LTO: Mga pasahero siguruhin ligtas ngayong Undas

24 Views

INATASAN ni Senador Raffy Tulfo ang Land Transportation Office (LTO) na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang mga pampasaherong bus bago payagang bumiyahe ngayong Undas, kung kailan inaasahang dadagsa ang milyun-milyong pasahero pauwi sa mga probinsya.

Kabilang sa dapat suriin ang preno, gulong at fire extinguisher ng mga bus, at dapat sumailalim sa drug test ang mga driver. Dapat din daw mahigpit na pigilan ang pamamasada ng mga colorum, o mga bus na walang prangkisa.

Ginawa ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, ang direktiba sa pagdinig ng komite nitong Miyerkules. Iginiit din niya na hindi lang dapat tuwing Undas o holiday nagsasagawa ng inspeksyon ang LTO kundi regular sa buong taon.

Ayon sa LTO, inatasan na ang law enforcement service nito na magsagawa ng inspeksyon bago ang Undas.

Pagdating sa seguridad sa paliparan, iginiit ni Tulfo na dapat gumagana ang lahat ng CCTV bago ang Undas, matapos niyang bigyan ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng 48 oras para ayusin ang mga ito. Ayon kay Tulfo, mahigit 1.25 milyong pasahero ang inaasahang dadaan sa mga paliparan ngayong Undas.

Binanggit niya ang pagnanakaw sa bagahe ng French national na si Anthony Claude Boukhors sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1. Ayon kay Boukhors, sinabihan siyang hindi gumagana ang ilang CCTV sa lugar, at wala raw camera sa Grab pick-up area kung saan nangyari ang insidente.

Hiniling din ni Tulfo ang sapat na presensya ng mga awtoridad sa buong paliparan. Ayon sa isang opisyal ng seguridad sa paliparan, nadagdagan na nila ang mga tauhan bago ang Undas.

Sa mga pantalan, hinimok ni Tulfo ang Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG) na tiyaking sumusunod sa safety standards ang mga barko bago payagang maglayag. Kabilang dito ang sapat na life jacket, pagsunod sa maximum passenger capacity, tamang bigat ng kargamento at tamang passenger manifest.

Sa mga expressway, nais ni Tulfo na may sapat na tauhang handang tumugon sa mga motorista, lalo na sa oras ng emergency. Hinimok din niya ang mga operator na iwasan ang road repairs habang dagsa ang mga biyahero. Kung hindi maiiwasan, dapat daw maglagay ng malinaw na karatula.

Ayon sa NLEX operator na Metro Pacific Tollways Corp., walang lane closure sa expressway ngayong Undas. Nagdagdag din daw sila ng mga tow truck at maglalaan ng shuttle para sa mga pasahero ng bus na masisiraan sa daan.