Barbers

VP Sara pang-karinderya drama pero pang bilyonarya bulsa–Barbers

Mar Rodriguez Oct 30, 2026
27 Views
ANG drama o acting ni Vice President Sara Z. Duterte ay pang telenovela dahil sa pagpapakita na siya ay kumakain sa karinderya pero hitik na hitik naman ang bulsa ng bilyon piso mula sa mga kinurakot niya.

Ito ang pagsasalarawan ni House impeachment adviser at tagapagsalita ng prosecution team na si Robert Ace Barbers tungkol kay VP Sara bilang isang umano’y bilyonaryong nagpapakita ng simpleng pamumuhay sa kabila ng mga katanungan tungkol sa kanyang yaman at mga transaksyong pinansyal.

“Ang tagong yaman o hindi maipaliwanag na yaman ng ating pangalawang pangulo, si Vice President Sara Duterte, ay bistado na, ayon sa ating prosecution team,” ayon kay Barbers.

“Si VP Sara ay isang simpleng bilyonaryo raw. Pang-karinderya ang drama pero pang bilyonarya ang bulsa,” dagdag ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na nais niyang maunawaan nang mabuti ng publiko ang mga ebidensiyang iniharap sa ilalim ng Article II, ang natitirang impeachment charge laban kay Duterte.

“Para po maintindihan nang mabuti ng ating mga kababayan, I will refresh your memory doon sa mga natalakay dito sa impeachment court noong tinatalakay o dini-deliberate itong Article II na ito,” ayon sa kaniya.

Ayon sa mga rekord na binanggit niya, umabot sa humigit-kumulang P59 milyon noong 2022, P71 milyon noong 2023, P22 milyon noong 2024 at P39 milyon noong 2025 ang pinagsamang balanse ng mag-asawang Bise Presidente Duterte at Atty. Mans Carpio.

Kinuwestiyon ni Barbers kung bakit hindi umano nagtutugma ang mga halagang ito sa mga nakasaad sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Binanggit din nito ang mga natuklasan ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera, na nagsabing may hindi bababa sa P817.87 milyon na umano’y hindi idineklarang mga ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman mula 2022 hanggang 2025.

Ayon kay Cabrera, maaari pang umabot sa P1.5 bilyon ang halaga kung gagamitin ang mas malawak na paraan ng pagkukuwenta.

Ayon kay Barbers, magiging mahirap umanong pabulaanan ang mga ebidensiyang iniharap ng prosecution dahil nagmula ang mga ito sa mga bangko, ahensiya ng pamahalaan at sa sariling mga rekord ni Duterte.

“Personally, parang para sa akin, mahihirapan talaga silang pasinungalingan itong mga dokumentong ito because number one, ’yung dokumentong ’yan ay hindi naman galing sa prosecution. Ito ay galing mismo sa kanila,” ani Barbers.

“’Yung records ba ng bangko, magbabago ba ’yan? Meron ba silang ipi-present na witness na sasabihin mali ’yung outstanding balances na iyan?” tanong niya.

Kinuwestiyon din ni Barbers ang mga interes ni Duterte sa negosyo at kung isinuko o inalis na niya ang kanyang pagmamay-ari sa mga ito matapos siyang maging bise presidente.

Wala pang pinal na pasya ang Senado sa nasabing alegasyon, at inaasahan pang maririnig ang panig at mga ebidensiya ng depensa ni Vice President Sara Duterte.