Calendar
LGU execs inudyok na ‘wag munang bumiyahe dahil sa Bagyong Uwan
NANAWAGAN si Interior Secretary Jonvic Remulla sa lahat ng lokal na chief executives na ipagpaliban muna ang anumang paglalakbay sa ibang bansa hanggang sa bumuti ang kalagayan ng bansa kung sakaling manalasa ang bagyong Uwan.
Ang direktibang ito ay kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng state of national calamity, at muling binibigyang-diin ang tungkulin ng mga gobernador, alkalde at kapitan ng barangay bilang mga tagapangulo ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs).
Binigyang-paalala rin ni Kalihim Remulla ang mga lokal na pamahalaan na: magbigay ng tulong sa mga apektadong lugar; i-reactivate ang Local Price Coordinating Councils upang maiwasan ang labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin; makipag-ugnayan nang malapit sa Regional at Provincial DRRMCs at sa mga DILG Regional Offices para sa maagap at koordinadong pagtugon.
Inatasan na ang lahat ng DILG Regional Directors na iparating ang direktiba upang matiyak ang pagkilos sa lahat ng antas ng lokal na pamahalaan.

