Calendar
Murder suspek umuwi mula Italy matapos 9 taon, huli sa NAIA
NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang babae na wanted sa pagpatay matapos ang halos siyam na taong pagtatago sa Italy sa NAIA Terminal 3, sa Pasay City noong Nob. 5.
Ayon kay QCPD acting director, P/Col. Randy Glenn Silvio, bandang alas-11:00 ng gabi ng maaresto ang akusadong si alyas Maria, 48.
May outstanding warrant of arrest ang suspek na inisyu ng Branch 76, Regional Trial Court (RTC) ng Quezon City dahil sa pagkakasangkot sa pagpatay sa isang biktima noong Hulyo 15, 2002 sa Bobon, Northern Samar.
Nagtungo sa Rome, Italy para magtago ng halos 9 na taon ang suspek.
Dahil dito, nakipag-koordinasyon ang mga awtoridad sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC)-INTERPOL para sa pagpapalabas ng red notice.
Ang akusado ay nadakip ng mga operatiba ng District Intelligence Division (DID) ng QCPD sa pangunguna ni P/Lt. Col. Rossel Cejas.
Nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD ang akusado.

