DRRM

Mga Manileno pinayuhang maging mapagmasid sa kabila ng Red Alert Status ng Maynila

297 Views

ANG pamahalaang lungsod ng Maynila sa pangunguna ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council (MCDRRMC) ay nagtaas na ng RED ALERT STATUS sa siyudad ito ay kaugnay sa inaasahang epekto ng bagyong #UwanPH.

Kaugnay ito sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Direktor Arnel Angeles na masiguro ang mabilis na pagtugon sa anumang kaganapan.

Inabisuhan ng Manila City DRRM Office ang publiko at kapwa Manileño na maging mapagmasid at itawag sa kanilang tanggapan ang anumang emergency.

Upang matiyak ang kaligtasan ng lahat, muling pinaaalalahanan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang lahat ng building contractors na mahigpit na sundin ang mga itinakdang safety protocols bago, habang, at matapos ang pagdaan ng bagyo.

“Mahalaga ito upang maiwasan ang anumang aksidenteng maaaring maglagay sa panganib sa buhay ng mga manggagawa, at upang hindi rin maging banta sa kaligtasan ng publiko ang mga konstruksyon o kagamitan na maaaring masira ng malakas na hangin at ulan.

Kasabay nito, pinaaalalahanan din ang mga billboard operators na ibaba at ligtasin muna ang kanilang mga billboard tarpaulins o istruktura bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyo. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang posibilidad na tangayin ng hangin ang mga billboard at magdulot ng pinsala sa mga ari-arian o panganib sa mga motorista at nagdaraan sa kalsada.

Ang ganitong mga hakbang ay bahagi ng proaktibong pagtugon ng lungsod upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat ng residente sa panahon ng sakuna. Sa simpleng pagsunod sa mga paalalang ito, malaki ang maitutulong ng bawat isa upang mapigilan ang mga aksidente at mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa ating komunidad.

Hangad ng Manila City DRRMO na maging ligtas ang lahat sa oras ng bagyo — dahil ang kaligtasan ng bawat isa ay nakasalalay sa ating sama-samang pagkilos at disiplina,” ayon sa Manila City DRRMO.