Calendar
Evacuation, medical ayuda nakahanda na sa Maynila
NAGLABAS ng direktiba si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa mga kaukulang departamento na pataasin ang kanilang paghahanda sa bagyong Uwan na makakaapekto sa kapitolyo ng bansa.
Kaagad naman tumugon si Manila Health Department (MHD) Officer Dr. Grace Padilla sa utos ng alkalde at ini-anunsiyo ang pagtataas sa Code White status ng lahat ng mga pampublikong pagamutan sa lungsod na nasa ilalim ng pamamahala ng lokal na pamahalaang simula Linggo ng gabi upang matiyak ang kahandaan sa anumang pangyayaring kinakailangan ang medikal na lunas.
Ayon kay Padilla, may 25,000 kapsula pa silang natitira na doxycycline na ipamamahagi sa mga health centers at tanggapan upang mapigilan ang anumang impeksiyon na makukuha sa paglusong sa baha tulad ng leptospirosis.
Sinabi naman ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief at City Social Welfare Officer Jay Dela Fuenta na handa na ang kanilang 27-evacuation center sa buong lungsod mula pa noong Sabado.
Nauna ng inihayag ni Dela Fuente na handa na ang relief goods at hot meals na kanilang ipamimigay sa manunuluyan sa mga evacuation center na ililikas sa mga delikadong lugar.
Nauna ng naglabas ng utos Linggo ng umaga si Mayor Domagoso sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga pamilyang naninirahan sa malapit sa baybayin ng Manila Bay tulad ng Baseco, Parola at Isla Puting Bato.

