Suspek

Suspek sa mga krimen natukoy kinaroroonan dahil sa sobrang hilig gumamit ng socmed

Edd Reyes Nov 9, 2025
136 Views

DAHIL sa sobrang hilig sa paggamit ng social media, natukoy ng awtoridad ang kinaroroonan ng wanted na kriminal na matagal nang tinutugis ng pulisya dahil sa kinasasangkutang mga kaso na may kinalaman sa pang-aabuso sa menór de-edád.

Sabado ng alas-3:30 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng Cyber Patrollers at Tracker Team ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang tinutuluyang bahay ng 30-anyos na No. 4 Most Wanted Person ng Police Regional Office 3 sa Western Bicutan, Taguig City, na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Ayon kay NCRPO Chief P/MGen. Anthony Aberin, nakatulong ang makabagong teknolohiya na naka-angkla sa binalangkas na Enhanced Managing Police Operations ni Acting Philippine National Police Chief P/Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nagtatampok sa tradisyunal na paghahanap sa mga wanted na kriminal na hinaluan pa ng digital intelligence.

Nahaharap sa maraming kasong kriminal ang naarestong suspek kabilang na ang rape, statutory rape, sexual assault at maraming bilang ng child abuse sa ilalim ng Republic Act 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sinabi ni Aberin na walang inirekomendang piyansa ang hukuman sa lahat ng kasong kinakaharap ng akusado na kasalukuyang nakapiit sa NCRPO Custodial Facility, habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman.

“Mataas ang aking pagpupugay sa ating mga Cyber Patrollers at Tracker Team na mahusay na ginamit ang teknolohiya upang matukoy at maaresto ang isang suspek na matagal nang pinaghahanap ng batas,” pahayag ni Aberin.