Calendar
Baha pagtutulungang lutasin ng SMC, Laguna
PUMIRMA sina Laguna Gov. Sol Aragones at Ramon Ang, presidente ng San Miguel Corp. (SMC) sa memorandum of agreement para sa flood control initiative sa Laguna.
Pinasalamatan ng gobernador si Ang sa pagtugon para malutas ang pagbaha sa Laguna nang walang bayad at libreng tulong teknikal at pinansyal.
Ayon sa pangulo ng SMC, ilang buwan na silang naghuhukay ng mga ilog sa lalawigan.
“Kung mapapansin ninyo yung mga dumadaan ng SLEX, wala ng baha.
Nahukay na kasi namin ang mga ilog sa tulong ng kooperasyon ng mga LGU. Within one year kaya naming linisin lahat,” ayon kay Ang.
“Hindi lang ang baha ang tinanggal ni RSA kundi pati pangamba ng mga residente sa problema sa tuwing babaha, lalo na sa kaligtasan ng kanilang mga estudyanteng anak,” sabi ni Aragones.
Humingi si Ang ng kooperasyon ng lahat laban sa pagtatapon ng basura sa mga ilog.
Hiniling ni Ang sa mga mambabatas na gumawa ng mga batas laban sa pag-reclaim ng mga ilog para sa mga layuning pang-industriya.
Pinaalalahanan din niya ang mga local government units na panatilihin ang paglilinis ng mga ilog sa kanilang paligid.
“Dapat magpanatili ng barge at backhoe ang mga LGU para mapanatili ang kalinisan ng mga ilog,” sabi ni Ang.
Binigyang-diin ni Ang na walang bayad ang dredging initiative sa pamahalaang panlalawigan.
“Wala pong bayad ito,” sabi ni Ang.
Ang proyekto ng dredging ng Laguna ay opisyal na nagsimula sa MOA signing at initial dredging operations na naghahatid ng pangmatagalang kaluwagan sa libu-libong residente.

