Sotto

Sotto handang bumaba bilang Senate president

259 Views

HANDA si Sotto na bumaba bilang Senate President kung ito ang pasya ng mayorya ng kanyang mga kapwa senador, kasabay ng usap-usapan hinggil sa pagbabalik ni Senador Panfilo Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Kumpirmado mula kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na may mga bulung-bulungan tungkol sa panibagong tangkang palitan siya sa puwesto, ngunit itinuring niya itong karaniwang usapan tuwing muling binubuksan ang sesyon.

“May isa o dalawang kuwento lang tungkol sa may kumausap sa iba—’yun lang ‘yon,” ani Sotto sa mga mamamahayag. Giit niya, wala siyang balak kumapit sa puwesto at dapat ipaubaya ang desisyon sa tiwala at pasya ng kapulungan.

Ayon pa sa kanya, walang malinaw na dahilan kung bakit muling umuugong ang isyu ng pagpapalit sa liderato. Nang tanungin kung inalam ba niya kung ilan ang posibleng sangkot, sagot niya, hindi na kailangan dahil tiyak na itatanggi rin ng mga nababanggit.

Umuugong ang isyung ito kasabay ng inaasahang pagbabalik ni Senador Panfilo Lacson bilang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee—isang posisyong kanyang iniwan noong nakaraang buwan dahil sa hindi pagkakasundo sa direksyon ng imbestigasyon.

Nagbabala si Lacson noon na maaari siyang mawalan ng suporta mula sa majority bloc kung babalik siya sa naturang komite.

Ang Blue Ribbon Committee ang kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng flood control na sinasabing kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno, pribadong kontratista, at mambabatas.

Batay sa tala nitong Setyembre 2025, si Lacson pa rin ang chairman ng parehong Blue Ribbon at Electoral Reforms Committees.

Ang muling paghawak ni Lacson sa makapangyarihang komite, kasabay ng usap-usapan ukol sa posibleng pagpapalit ng liderato, ay nagbabadya ng panibagong ayusan ng puwersa sa Senado bago pumasok ang 2026.