Calendar
1 sa 3 nambola na mananalo sa baccarat huli
TIMBOG ang isa sa tatlong suspek na pinaniniwalaang tumangay sa P20 milyon ng negosyanteng pinangakuan na maipapanalo sa baccarat ang kanyang pera sa casino sa Pasay City.
Sa report kay Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo, natiklo ang suspek na si alyas Bobby noong Lunes sa RSM restaurant sa Sampaloc 4, Dasmarinas, Cavite.
Una rito, nakipagtagpo ang negosyanteng si alyas Carlo sa tatlong suspek sa isang hotel sa Villamor, Pasay dahil natukso sa alok ng isa sa mga suspek na si Raffy na maipapanalo daw sa baccarat sa Resort World ang kanyang pera
Nang maibigay ng biktima ang cash na nasa luggage bag sa isa sa suspek na si Roger, hindi na bumalik ang tatlo kaya’t humingi na siya ng tulong sa pulisya.
Napagalaman na may tracking device ang laggage ng biktima kaya’t natunton ng pulisya ang kinaroroonan ng isa sa mga suspek.
Nabawi kay alyas Bobby ang maletang naglalaman ng P15 milyon at Toyota Fortunner, habang tinutugis pa sina alyas Raffy at Roger.

