Calendar
Deputy Speaker at NUP Chairman Ronaldo “Ronnie” Puno
DS Puno, NUP nag-file ng panukalang batas na itinutulak Con-Con
INIHAIN ni Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) Chairman Ronaldo “Ronnie” V. Puno, kasama ang mga miyembro ng NUP, ang House Bill (HB) No. 5870 noong Nobyembre 11 na naglalayong magpatawag ng Constitutional Convention (Con-Con).
Layunin nitong magmungkahi ng mga amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng isang bukas, demokratiko at representatibong proseso para sa sambayanang Pilipino.
Ang panukala ay co-authored nina Representatives Jeffrey Ferrer, Antolin Oreta III, Augustina Pancho, Alfredo Marañon III, Danilo Domingo, Joaquin Nava, Sun Shimura, Dimszar Sali, Rosalie Salvame, Alfelito Bascug, Adolph Plaza, Anna Victoria Tuazon, Jennifer Lagbas, Adrian Advincula, Maria Victoria Co-Pilar, Niko Daza, Antonio Ferrer, Romeo Acop, Jon Geesnell Yap II, Crispin Diego Remulla at Rachel Marguerite Del Mar.
Binibigyang-diin ng panukala na ang reporma sa konstitusyon ay dapat isagawa nang malinaw, bukas at walang bahid ng partisan na impluwensiya.
“For nearly four decades, the 1987 Constitution has anchored our democracy. But experience has shown that ambiguities, procedural lapses, and outdated provisions have created confusion and weakened institutional accountability,” ayon sa explanatory note ng panukala.
“This measure seeks to fulfill―not discard―the 1987 Constitution: to correct its errors, complete its intent, and reinforce its authority with clarity and coherence,” saad pa nito.
Con-Con para sa bayan
Sa ilalim ng panukala, 150 delegado ang ihahalal sa Mayo 11, 2026, na may representasyon mula sa lahat ng 18 administratibong rehiyon, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bawat rehiyon ay pipili ng tatlong pangunahing delegado, at ang karagdagang delegado ay ibabatay sa populasyon upang matiyak ang balanseng representasyon. Walang itatalagang delegado, taliwas sa mga nakaraang convention, upang maiwasan ang impluwensiyang politikal.
Itinatakda ng panukala na ang mga delegado ay dapat natural-born citizen, hindi bababa sa 25 taong gulang, may hawak na college degree at walang hawak na posisyong politikal.
Ipagbabawal din ang pagtakbo ng mga delegado sa anumang posisyon ng isang taon matapos ang adjournment ng Convention. Layunin nitong tiyakin na ang Con-Con ay malaya sa political capture at nakatuon lamang sa reporma.
“The Constitutional Convention offers the most prudent, participatory, and legitimate mechanism for reform,” sinabi ni Puno.
“It invites the nation to confront enduring constitutional ambiguities through reasoned debate, anchored in the rule of law and the people’s voice,” aniya.
Saklaw at safeguards
Itinatakda ng HB 5870 na ang Convention ay dapat magsimula hindi lalampas sa Hulyo 15, 2026, at matapos ang trabaho sa loob ng isang taon, maliban kung palawigin ng batas.
Ang anumang amyenda ay isasailalim sa plebisito sa loob ng 60 hanggang 90 araw matapos ang pag-apruba, alinsunod sa Article XVII ng Konstitusyon.
Binibigyang-diin ng explanatory note ng bill na ang reporma ay dapat nakatuon sa paglilinaw ng mga kalabuan sa teksto, kabilang ang mga probisyon sa impeachment, pagbibigay ng amnestiya, tax exemptions, at komposisyon ng Judicial and Bar Council, na nagdulot ng legal na alitan at kawalan ng katiyakan.
“A Constitution that lacks textual precision ceases to serve as a reliable guide for government action,” ayon sa explanatory note. “This initiative is a commitment to a living Constitution―one that evolves with the times while preserving constitutional fidelity and the rule of law.”
Repormang nakaugat sa katatagan
Binigyang-diin ng mga may-akda na ang hakbang na ito ay hindi para baguhin ang kasaysayan o guluhin ang pamahalaan, kundi para palakasin ang pundasyong legal ng demokrasya at tiyakin na ang mga reporma ay isinasagawa nang bukas, may partisipasyon at alinsunod sa kontitusyon.
“The National Unity Party is fully supportive of efforts to correct ambiguities in the text of the Constitution as a means of further strengthening our democracy,” sinabi ng NUP sa isang statement.
“This process must be participatory and insulated from political influence. It must be rooted in consultation, scholarship, and the people’s collective will,” pahayag ng NUP.
Ang House Bill No. 5870 ay nakabinbin para sa pagtalakay ng kaukulang komite sa Kamara.
Ang NUP ang ikalawang pinakamalaking partido politikal sa House of Representatives na may 43 miyembro sa Kamara.

