Farming

Gobyerno inudyok na tibayan suporta sa organic farming

262 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng mas matibay na suporta ng pamahalaan sa organic agriculture, na aniya’y dapat ituring hindi lamang bilang paraan ng pagsasaka kundi bilang isang estratehiya sa pampublikong kalusugan upang maiwasan ang mga sakit sa paghinga at lifestyle diseases.

Sinabi ni Pangilinan na ang organic farming ay “science-driven at people-centered” na pamamaraan na nakatutulong sa mga mamimili at magsasaka sa pamamagitan ng pagbabawas ng paggamit ng mga kemikal.

“Hindi lang sustansya ang hatid ng organic farming kundi proteksyon din sa kalusugan ng ating mga magsasaka at mamimili,” ani Pangilinan. “Nandun na rin yung sustansya, yung bitamina, yung minerals, at siyempre yung enzymes ng matamis-tamis na lasa. Alam natin, ang organic hindi lang masustansya, mas masarap pa.”

Si Pangilinan, na may-akda ng Organic Agriculture Act of 2010, ay nagsabing makatutulong ang organikong pamamaraan upang tumaas ang kita ng mga magsasaka dahil mas mababa ang gastos sa abono at pestisidyo.

Ibinahagi ng senador na nagsimula siyang magtanim ng organic vegetables sa kanyang sakahan sa Cavite upang matiyak ang kalusugan ng kanyang pamilya. “Para masiguro ko ang kalusugan ng aking mga anak – nagsimula akong mag organic vegetable farming,” aniya.

Ayon kay Pangilinan, patuloy na lumalago ang industriya ng organikong produkto sa bansa na umabot na sa bilyong halaga habang dumarami ang mga Pilipinong tumatangkilik sa sustainable na pagkain.

Itinampok din niya ang Participatory Guarantee System (PGS), isang community-based certification system na nagbibigay sa maliliit na magsasaka ng pagkakataong makilala sa lokal na merkado nang hindi ginagastusan ng mamahaling third-party audit.

“Ang PGS ay nagbibigay ng abot-kayang at mapagkakatiwalaang sistema ng sertipikasyon na tumutulong sa maliliit na magsasaka na makapasok sa lokal na pamilihan nang may tiwala,” paliwanag niya.

Binalaan ni Pangilinan ang labis na paggamit ng mga kemikal sa pagsasaka na aniya’y sumisira sa lupa at sa buong kalikasan. “Pag sobrang kemikal ang ginagamit na pestisido at fertilizer, patay ang lupa. At pag patay na ang lupa, apektado ang buong ecosystem,” babala niya.

Hinimok din niya ang pambansa at lokal na pamahalaan na palawakin ang suporta sa organic farming sa pamamagitan ng pagsasanay, pondo, at mga programang tutulong sa mga magsasakang nais lumipat sa organikong paraan.

“Bisitahin natin ang ating organic farms at alamin natin kung paano pa natin mapapalakas ang suporta sa sektor ng high-value crops ng ating bansa,” panawagan ng senador.

Dagdag niya, ang pagsuporta sa organic agriculture ay isang pamumuhunan hindi lang sa ekonomiya kundi sa kalusugan ng mga Pilipino. “Kapag nag-invest tayo sa healthy soil at healthy food, nag-i-invest tayo sa kalusugan ng ating mga tao,” aniya.