Dy

Kamara aaksiyunan pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo

Mar Rodriguez Nov 12, 2025
505 Views

NAKAHANDA ang liderato ng Kamara de Representantes na aksiyunan ang pangangailangan ng mga pamilya at komunidad na matinding naapektuhan ng ginawang pananalasa ng mga nagdaang kalamidad tulad ng super typhoon Tino at Uwan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Sinabi ng House Speaker na agad nilang tutugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng dalawang humagupit na super typhoon upang mabilis silang makabangon matapos masalanta ang kabuhayan, panananim at negosyo ng mga apektadong mamamayan.

“Sa gitna ng bawat unos, pinapaalala sa atin na ang paglilingkod ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng batas. Kundi sa pagpapakita ng malasakit at pagkilos at sa ating pagbibigay pag-asa,” sabi ni Speaker Dy.

Dagdag pa ni Speaker Dy na makikipag-tulungan at makikipag-ugnayan ang Mababang Kapulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang mas maging mabilis ang pagbangon ng mga apektadong mamamayan mula sa paghagupit ng Bagyong Tino at Uwan partikular na sa parte ng Kabisyaan.

Ipinaliwanag ni Speaker Dy na nais lamang ipakita ng House leadership ang dedikasyon nito sa paglilingkod sa gitna ng krisis na kasalukuyang binabalikat ng mamamayan.