Fare

Rekomendasyon sa dagdag pasahe isusumite ng LTFRB sa DOTR

Jun I Legaspi Nov 12, 2025
527 Views

NAGPAHAYAG ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng kanilang hangaring magsumite ng rekomendasyon sa Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez ngayong linggo kaugnay ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe, kasunod ng matagumpay na konsultasyong publiko.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan na niya ang mga kaukulang kawani ng ahensya na simulan ang pagbuo ng posisyon ng LTFRB batay sa mga argumento ng mga transport group at sa naging resulta ng mga konsultasyong publiko—ang pinakahuli ay ginanap sa Central Office sa Quezon City nitong Miyerkules, Nobyembre 12.

“Isusumite namin ang aming rekomendasyon sa aming mga nakatataas ngayong weekend. Sa ngayon, binubuo na namin ang mga input batay sa mga argumento sa mga konsultasyong publiko na isinagawa para sa layuning ito, na may kinalaman sa dagdag-pasahe,” ani Chairperson Mendoza.

Dagdag pa niya, “Hindi na bago ang mga dahilan na inilahad ng mga sektor ng transportasyon. Sa tuwing may petisyon para sa dagdag-pasahe, iisa ang mga dahilan kaya’t isasama natin ang mga ito sa aming isusumiteng rekomendasyon.”

Nauna nang inatasan ni Chairperson Mendoza ang lahat ng Regional Directors ng LTFRB na magsagawa ng konsultasyong publiko para sa dagdag-pasahe hindi lamang sa mga pampasaherong jeep kundi pati na rin sa mga pampasaherong bus at taxi.

Sa kanyang memorandum, inaasahan niyang maisumite ng bawat Regional Director ang kanilang resulta at rekomendasyon sa kanyang tanggapan sa o bago ang Nobyembre 14.

Target ni Chairperson Mendoza na maipasa ang pinal na rekomendasyon ng LTFRB kay DOTr Acting Secretary Lopez sa o bago ang Nobyembre 17.

“Nais naming maging saklaw nito ang buong bansa upang marinig ang saloobin ng lahat ng stakeholder. Sa konsultasyong publiko ngayong araw, naging mabunga ito dahil bawat sektor ay nagbigay ng kanilang mungkahi upang makabuo ng solusyong katanggap-tanggap sa lahat,” ani Mendoza.

Ibinunyag din niya na may ilang rekomendasyon mula sa transport groups na layong pagaanin ang pasanin ng mga commuter.

“Ipaparating namin ang mga rekomendasyon ng sektor ng transportasyon at iba pang stakeholder sa aming mga nakatataas. Isasama namin ang aming posisyon sa mga bagay na saklaw ng kapangyarihan ng LTFRB, ngunit para sa mga mungkahing lampas sa aming saklaw, ipapaubaya namin ito sa tamang ahensya,” paliwanag ni Mendoza.

Inaasahang tatagal pa ang pagdedesisyon sa usapin dahil kailangang pag-aralan pa ito ng pambansang pamahalaan.

Batay sa datos ng LTFRB, hindi bababa sa limang pangunahing transport group ang naghain ng petisyon para sa dagdag-pasahe na hanggang P5 para sa unang apat na kilometro, o minimum fare, noong 2023, at hindi bababa sa P1 para sa bawat kasunod na kilometro.

Simula 2024, ilang transport group mula sa sektor ng pampasaherong bus at taxi ang naghain din ng petisyon para sa dagdag-pasahe, dahil sa hirap na dulot ng mababang kita ng mga PUV kumpara sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, maintenance, at iba pang gastusin sa operasyon.