Calendar
BIR laban vs iligal na benta ng yosi. vape mas epektibo sa tulong ng LGU
HINIMOK ni Senadora Pia S. Cayetano ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) upang labanan ang mga ilegal na nagbebenta ng produktong may excise tax gaya ng sigarilyo at vape.
Sa organizational meeting ng Senate Committee on Ways and Means, sinabi ni Cayetano na magiging mas epektibo ang BIR kung may suporta mula sa mga lokal na pamahalaan. Ayon sa ulat ng BIR, nakahuli na ito ng 377 ilegal na nagbebenta at nasamsam ang 2,000 pakete ng sigarilyo at 267,000 millilitro ng vapor products.
“A big part of your success will come from working with LGUs,” ani Cayetano, at iginiit na tutulong ang mga lokal na opisyal kung alam nilang nakasisira ito sa kalusugan at nakababawas sa kita ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, sa ibang bansa ay ibinibenta lamang ang mga “sin products” sa mga itinalagang tindahan—isang patakarang dapat ding pag-aralan dito.
Kasabay nito, iniulat ng BIR at Bureau of Customs (BOC) na umabot lamang sa 72 porsiyento ng target ang nakolektang buwis mula Enero hanggang Setyembre 2025 dahil sa pagbaba ng taripa at mga tax leakage.
Ayon kay Finance Undersecretary Karlo Fermin Adriano, isinusulong ng Department of Finance ang mga bagong reporma sa buwis, kabilang ang excise tax sa single-use plastics at digital services VAT upang mapataas ang koleksyon.
Binigyang-diin ni Cayetano na mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng pananalaping matatag at kapakanan ng publiko sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at pagpigil sa mapaminsalang konsumo.

