Calendar
BOC inudyok gamitin bagong tech, AI para masawata sindikato sa smuggling
NANAWAGAN si Senadora Pia S. Cayetano sa Bureau of Customs (BOC) na gamitin ang makabagong teknolohiya at artificial intelligence (AI) upang masawata ang mga sindikatong sangkot sa smuggling ng mga luxury vehicle at iba pang ilegal na kargamento.
“When we asked the Bureau of Customs commissioner how do these things happen, kasi yung kaso ng Discaya is just an example… andami pang iba,” ani Cayetano. “For example, nire-register nila yun na pumasok sa isang port, so for example, Batangas tapos yung payment nila doon sa Davao… precisely para daw malito, para hindi nila matrace ito.”
“It can be done, they just have to invest in that system. Kasi otherwise, lulusot nang lulusot yun,” dagdag niya, sabay sabing luma at mahina pa rin ang kasalukuyang sistema ng ahensya.
Sinabi rin ng senadora na suportado ni Senador Sherwin Gatchalian ang paglalaan ng pondo para sa makabagong kagamitan ng BOC. “We have to make use of technology. As I’m always saying, our government officials and employees have to be aware of how we can best use technology and AI,” ani Cayetano.
Bilang chair ng Senate Committee on Ways and Means, ipinaliwanag ni Cayetano na tungkulin ng mga mambabatas ang maglaan ng pondo ngunit ang pagpapatupad ay nasa BOC. “Definitely yung role ng legislator na agad agad na nakita ko is by way of budget, to assist BOC in their needs,” aniya.
Sa mga panukalang tinalakay ng DOF, binigyang-diin niya ang pangangailangang magpatupad ng mga polisiya na hindi lang kumikita kundi kapaki-pakinabang sa publiko. “For example exempting medical equipment from tax… ang mamahal ng equipment na yan, ang dami pa rin natin hospital na walang mga CT Scan, mga MRI,” sabi niya.
Tungkol naman sa badyet, sinabi ni Cayetano na “walang masama mag amend” basta’t malinaw ang layunin. “Ang masama non nag amend ka tapos yung nag iimplement yun pala ang masama ang balak,” dagdag pa niya.
Aminado ang senadora na noong una ay ayaw niyang dagdagan ang pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) dahil sa mga ulat na “kinakaltasan pa pala yung binibigay sa mga tao.” Ngunit matapos ang lindol at bagyo, nagbago ang kanyang paninindigan: “P2,000, P3,000, P5,000 pesos may go a long way for them.”
Ipinanukala rin ni Cayetano na ilipat ang pondo ng Medical Assistance Indigency Fund Program (MAIFP o dating MAIP) sa mga ospital, kabilang ang mga LGU hospital. “Hindi na kailangan pumila kasi nandiyan na yung pondo sa kanila… andun na po sa ospital niyo. Punta lang kayo doon,” aniya.
Ipinunto ni Cayetano na lahat ng reporma—mula sa anti-smuggling hanggang sa pamamahagi ng tulong—ay dapat may matibay na sistema upang masigurong diretso sa tao talaga ang pera.

