Calendar
Chairman Abante: ‘Tama ang Pangulo — ebidensya, hindi politika, ang dapat manguna’
IPINAHAYAG ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila Representative Bienvenido Abante Jr. nitong Huwebes ang kanyang pagpapahalaga sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang lumabas na ebidensya laban sa dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na aniya ay nagbalik ng balanse sa isang debateng matagal nang pinangungunahan ng mga espekulasyon.
“Napakalinaw ng sinabi ng Pangulo — hindi basta-basta nagsasampa ng kaso para lang sa palabas,” sabi ni Abante. “Isinasampa ang mga kaso upang mapanagot ang mga tao batay sa matibay na ebidensya. Iyan ang takbo ng sistemang pangkatarungan.”
Ayon kay Abante, ang kasalukuyang pananaw ng publiko ay nabuo higit sa lahat dahil sa mga haka-haka, usapang online, at mga hindi napatutunayang paratang na hindi umaabot kahit sa pinakamababang pamantayan ng ebidensya.
“Hanggang ngayon, walang dokumento, walang pirma, walang transaksyon, at walang testimonya na direktang nagtuturo kay dating Speaker Romualdez,” aniya. “May access ang ICI sa lahat ng implementing agencies. Kung mayroong anumang ebidensya, sana ay lumabas na ito ngayon.”
Dagdag pa niya, ipinakita ng panawagan ng Pangulo para sa aksyong nakabatay sa ebidensya na hindi dapat gawing sandata sa politika ang nasabing isyu.
“Madaling magspekula. Ang pananagutan ay nangangailangan ng katotohanan,” sabi ni Abante. “Simple at tama ang mensahe ng Pangulo: magdala ng ebidensya, at kikilos ang gobyerno. Kung wala nito, walang kaso.”
Ipinahayag din ni Abante ang kanyang matibay na suporta sa mga anti-corruption initiatives ng administrasyon at sa mga repormang layong mapabuti ang pagsubaybay sa paggastos para sa imprastraktura.
“Suportado namin ang adbokasiya ng Pangulo para sa transparency at mas matibay na mga mekanismo sa pangangalaga,” ani Abante. “Ang tunay na reporma ay nagaganap kapag nakatuon ang trabaho sa pagsasaayos ng sistema, hindi sa paninira ng kapwa.”
Ang nag-iisang paratang na nag-uugnay kay Romualdez sa anumang anomalya ay mula kay Orly Guteza, na napatunayang nagsinungaling matapos ideklara ng isang hukuman sa Maynila na peke ang pirma ng abogadong umano’y nag-notaryo ng kanyang sinumpaang salaysay.
Hindi rin bumalik si Guteza sa Department of Justice (DoJ) upang patunayan ang kanyang mga pahayag, dahilan upang tuluyang mawala ang anumang kredibilidad ng kanyang salaysay.
Matapos ang kanyang pagharap sa Senado, naglaho si Guteza at hindi na humarap sa mga tamang ahensiyang nagsasagawa ng imbestigasyon, kaya’t ang naiwan na lamang ay isang sinumpaang salaysay na napatunayang peke at pinalabas.
Dahil walang mga kalakip na dokumento, walang nagpapatibay, at ang tanging pinagbatayan ay isang pinaghihinalaang nagtatago, bumagsak ang paratang sa sarili nitong kawalan ng kredibilidad.

