Calendar
Tinio: ‘Wag gamitin ang baha sa Cebu para pagtakpan anomalya sa Davao!
NAGHAIN nitong Huwebes si ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio ng isang resolusyon na nag-uutos sa House of Representatives na imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects na nagkakahalaga ng ₱4.44 bilyon sa kahabaan ng mga ilog ng Davao at Matina, na ipinagkaloob mula 2019 hanggang 2022, kasabay ng press conference ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa mga aksyon ng kanyang administrasyon laban sa katiwalian sa flood control projects.
Ang naturang resolusyon ay inihain sa gitna ng isang pambansang kontrobersiya hinggil sa sistematikong korapsyon sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno, matapos isumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Department of Justice (DOJ) noong Oktubre 2025 ang kanilang mga natuklasan na nagpapakita ng malinaw na modus operandi na kinabibilangan ng congressional insertions, kickbacks na umaabot mula 15% hanggang 30%, at sabwatan ng mga mambabatas, opisyal ng DPWH, at mga paboritong kontratista.
“Habang pinag-uusapan ni Pangulong Marcos ang ‘selective response’ ng kanyang administrasyon sa korapsyon sa mga proyekto sa flood control, dapat nating tiyakin na ang pananagutan at transparency ay ipinatutupad sa lahat—anumang kulay ng politika, apelyido, o administrasyon,” pahayag ni Tinio.
Layunin ng resolusyon ni Tinio na imbestigahan ang 80 kontratang may “red flag” na nagkakahalaga ng ₱4.44 bilyon na ipinatupad sa 1st District ng Davao City noong panahon ng administrasyong Duterte. Ibinunyag dito ang malalaking iregularidad gaya ng total overlap, dobleng pondo, ghost projects, hindi kumpletong implementasyon, pagbabago ng lokasyon, maling detalye o specifications, at mga kontratang walang line item appropriations sa General Appropriations Act.
“Ayon sa aming paunang pagsusuri, lumilitaw ang parehong pattern ng korapsyon sa Davao gaya ng nakita sa Bulacan, Oriental Mindoro, at iba pang bahagi ng bansa—may mga congressional insertions, proyektong walang tamang detalye, binago ang lokasyon, at sistematikong pagnanakaw ng pondo ng bayan. Kaya huwag gamitin ang baha sa Cebu para pagtakpan ang anomalya sa Davao!” paliwanag ni Tinio.
Ayon sa resolusyon, 49 sa 80 red-flagged contracts ay mga congressional insertions, at ang pangunahing kontratista, ang Genesis88 Construction Inc., ay pag-aari ni Glenn Escandor, na nagsilbing Presidential Adviser for Sports sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at kilalang campaign contributor ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
“Nang sabihin ni Rep. Paolo Duterte na ‘Walang dapat itago ang Davao,’ hinamon niya ang mga awtoridad na siyasatin ang mga proyekto. Tinatanggap namin ang hamong iyon. Hinihingi ng sambayanang Pilipino ang pananagutan ng lahat ng sangkot sa sistematikong korapsyon—mula man ito sa nakaraan o kasalukuyang administrasyon,” diin ni Tinio.
Inuutusan ng resolusyon ang House Committees on Public Accounts at Public Works and Highways na tukuyin ang buong lawak ng mga iregularidad, kilalanin ang lahat ng responsable, magrekomenda ng kaukulang kaso, magmungkahi ng mga repormang pambatas, at tiyakin ang pagbawi ng mga nawaldas na pondo.
“Bilyun-bilyong pisong dapat sana’y ginamit upang protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha ang ninakaw sa pamamagitan ng ghost projects, overpricing, at kickbacks. Hindi lang ito usapin ng korapsyon—ito ay usapin ng buhay at kabuhayan ng mga Pilipinong patuloy na binabaha dahil ang pondo para sa imprastraktura ay nawaldas sa bulsa ng iilan,” pagtatapos ni Tinio.

