Dialysis Muling nagbukas ang mga botika sa ilang bayan sa Laguna noong Huwebes na pakikinabangan ng mga senior citizens. GIL AMAN

Laguna may bubuksang dialysis center

Gil Aman Nov 13, 2025
510 Views

STA. CRUZ, Laguna–Magbubukas na sa Disyembre 8 ang dialysis center sa Laguna Medical Center (LMC) sa Santa Cruz.

Ang proyektong ito ay bunga ng tulungan ng Laguna at ng pribadong sektor sa pamumuno ni Gov. Sol Aragones.

May 14 dialysis machine ang pasilidad at maaaring tumanggap ng halos 60 pasyente kada araw.

Ipinapakita ng proyektong ito ang matatag na layunin ng pamahalaang panlalawigan na ilapit ang pangangalaga sa kalusugan sa mga mamamayan, lalo na sa mga walang kakayahang tustusan ang mahal na gastos ng pangmatagalang gamutan sa sakit sa bato.

Magsisimula ang operasyon ng LMC Dialysis Center mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Kailangang magsumite ng treatment plan at maging aktibong miyembro ng PhilHealth ang mga pasyente upang makagamit ng pasilidad.

“Don’t worry libre po lahat ito. Dito po unlimited ang dialyzer filter,” sabi ng isang doktor.

Binigyang diin ni Gov. Aragones ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng PhilHealth upang mapanatiling tuloy-tuloy ang tulong mula sa pamahalaan.

“Walang bayad po ha, tandaan nyo libre yan,” aniya.

Mas maaliwalas na rin ngayon ang gusali ng LMC matapos ang ginawang rehabilitasyon.

Ayon sa mga health worker, sabik silang makabalik sa operasyon ng dialysis center na huling nagamit noong 2023.

Ibinahagi rin ni Governor Aragones na inaayos na ang mga dialysis center sa Pakil, Cabuyao at Bay na inaasahang magbubukas din sa lalong madaling panahon.

“Kapag ho may nagpabayad sa inyo, sumbong nyo sa amin, dahil walang bayad, dapat libre,” paalala ng gobernadora.