Liver1

!st batang pasyente na matagumpay na sumailalim sa liver transplant sa pampublikong ospital, dinalaw ni Yorme Isko

Edd Reyes Nov 19, 2025
265 Views

LiverDINALAW ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso Martes ng umaga ang kauna-unahang batang pasyente na matagumpay na naisailalim sa liver transplant sa pampublikong pagamutan.

Ang matagumpay na operasyon sa 9-taong gulang na batang may “biliary atresia” ay isinagawa sa UP Philippine General Hospital (UP-PGH) na pinondohan mula sa P30 milyong donasyon na nalikom ni Mayor Isko Moreno sa unang termino niya bilang alkalde na layong suportahan ang pagdaragdag sa buhay ng mga batang may malalang sakit sa pediatric ward.

Malugod namang sinalubong nina UP-PGH Director Dr. Gerardo “Gap” Legaspi at UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee si Mayor Domagoso nang bisitahin ang batang pasyente.

Noong 2019, tumulong at gumawa ng paraan si Mayor Domagoso para makalikom ng P30 mlyon para sa UP-PGH sa pamamagitan ng donasyon mula sa pribadong kompanya at philanthropic partners, pati ang kinita niyang P1 milyon bilang talent fee sa kanyang endorsement na direktang mapupunta sa PGH cancer ward.

Bahagi ng nalikom na malaking pondo ang mula sa golf tournament na itinaguyod ng PGH Foundation at kontribusyon mula sa mga kompanyang Jag Jeans, Kenny Rogers, Seattle’s Best, at I.M. Coffee.

Malaking bahagi naman ng pondo ay inilaan sa mga batang may sakit sa atay na target na ipadala ng PGH sa ibang bansa upang matiyak na magiging matagumpay ang pagsasailalim sa kanila sa liver transplant, habang kalahati naman ng natitirang bahagi ang susuporta sa chemotherapy ng mga batang may cancer na ang gastusin ay mula ₱120,000 hanggang ₱500,000.