Rape Source: PNP file photo

Suspek sa biktima, 16: Round 2 pa kundi ikakalat ko rape video mo

Alfred Dalizon Nov 21, 2025
237 Views

NAARESTO ang isang lalaki na inakusahan ng panggagahasa sa isang 16-anyos na dalagita sa Tayabas City, Quezon, at pagrekord ng krimen upang takutin ang biktima na makipagkita muli para sa isa pang pagtatalik, sinabi ni Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Director Brig. Gen. Wilson P. Asueta nitong Biyernes.

Ang 39-anyos na suspek na si alyas “Noli” ay naaresto noong Miyerkules sa isang entrapment operation sa Sariaya, Quezon, matapos magsampa ng reklamo ang biktima at pamilya nito, ayon sa opisyal.

Ayon sa ibang mga opisyal, tiyak na mararanasan ng akusado ang “impiyerno sa lupa” kapag siya ay dinala sa city o provincial jail kung saan sinisiguro ng mga preso na ang mga nanggagahasa ng bata at kababaihan ay makakamit ang hustisyang nararapat sa kanila.

Lumabas sa imbestigasyon na kinunan ng video ng suspek ang buong panggagahasa na naganap sa isang apartment sa Sariaya noong Setyembre 15.

Ayon sa PNP-ACG, ang suspek na nagtatrabaho bilang katulong sa maliit na tindahan ng mga magulang ng biktima ay nilansi ang dalagita na pumunta sa kanyang apartment sa pangakong bibigyan siya ng P200 at ilang regalo.

“When she entered the apartment, the victim was told by the suspect he has a gun and ordered her not to resist. She then threatened the victim before raping her while videotaping her,” sinabi ni Asueta.

Dahil sa matinding takot, hindi agad naiulat ng biktima ang pangyayari sa kanyang pamilya at sa mga awtoridad.

Ang huling dagok ay nangyari nang ipadala ng suspek ang video ng insidente sa kaibigan ng dalagita at tinakot itong ikakalat pa ang video kung hindi siya babalik sa apartment para makipagtalik muli.

Nagkaroon ng lakas ng loob ang kaibigan ng biktima na humingi ng tulong sa pamilya nito upang magsampa ng reklamo laban sa suspek, dahilan upang magsagawa ng matagumpay na entrapment operation ang Quezon Provincial Cyber Response Team.

Ayon kay Asueta, nahaharap ngayon ang suspek sa maraming kasong kriminal kabilang ang paglabag sa Republic Act (RA) 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act; grave coercion sa ilalim ng Revised Penal Code; RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act; at RA 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Maghahain din ang PNP-ACG ng karagdagang kaso para sa statutory rape laban sa akusado.

Ito ang pinakabagong kaso ng isang kabataan sa bansa na nabiktima ng isang adult sex predator, dahilan upang muling manawagan ang pamunuan ng PNP-ACG sa publiko na mag-ingat sa mga rapist at “sextortionists” o yaong mga nagbabanta na i-upload ang malaswang larawan at video ng kanilang mga biktima kung hindi sila papayag na makipagtalik.