Saksak

17-anyos na buntis napatay sa saksak ni mister

269 Views

PATAY ang isang buntis na ginang matapos saksakin ng kanyang mister na lango sa ipinagbabawal na gamot noong Linggo ng hapon sa Barangay Pinaring, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Nakilala ang biktima sa alyas na “Rose Ann” na edad 17-anyos at residente ng lugar. Arestado naman ang 21-anyos na suspek.

Batay sa ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, naganap ang insidente dakong alas-4:06 ng hapon noong Linggo sa tahanan ng mag-asawa.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang mag-asawa sa hindi pa malamang dahilan hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang ginang.

Naisugod pa sa Cotobato Sanitarium and General Hospital ang biktima at inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center subalit hindi na rin nailigtas ang kanyang buhay.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.