Lolo

‘Pasaway’ na lolo arestado sa pagkamatay sa saksak ng pamangkin

Edd Reyes Dec 5, 2025
353 Views

MURDER, frustrated murder at threat ang isinampa ng pulisya Huwebes ng hapon laban sa 63-anyos na lolo na pumatay sa saksak sa sariling pamangkin at nakasugat sa kaaway na kapitbahay sa Malabon City.

Inaresto ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig si alyas “Pedong” nang abutan sa kanyang tirahan sa Letre, Barangay Tonsuya, makaraan niyang mapatay sa saksak ang 34-anyos na anak ng kapatid niyang babae at nakasugat sa 65-anyos na kapitbahay na si alyas “Celo.”

Sa imbestigasyon ni P/SSg. Bengie Nalogoc at P/MSg. Michael Oben, unang pinagsasaksak ng suspek ang pamangkin na kasama niya sa bahay nang pasukin sa loob ng silid Miyerkules ng umaga, bago sinugod at sinaksak din ang kapitbahay na bahagyang nasugatan sa mukha at dibdib makaraang makatakbong palabas ng bahay.

Isinugod ang dalawang biktima sa Tondo Medical Center subalit hindi na umabot ng buhay ang pamangkin, habang pinayagang makauwi ang kapitbahay matapos magamot ang tinamong sugat.

Bagaman inamin sa pulisya ng ina ng biktima na pasaway talaga ang kanyang anak kaya madalas silang mag-away ng tiyuhin, tinakot naman siya ng kapatid na sasaksakin matapos mapatay ang kanyang anak.