NAIA

Pasaherong patungo sana ng Thailand dinakip sa patong-patong na kinakaharap na kaso sa NAIA

Edd Reyes Dec 5, 2025
181 Views

BIGONG makaalis ng bansa ang pasaherong patungo ng Bangkok, Thailand, nang dakpin ng mga awtoridad Huwebes ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Nasa International Departure Area na ang lalaking pasahero nang isilbi sa kanya ng mga tauhan ni P/BGen. Dionisio Bartolome Jr., director ng Philippine National Police Aviation Security Group (AVSEGROUP), ang warrant of arrest na inilabas ng Makati City Metropolitan Trial Court para sa kasong paglabag sa Batas Pambansa 22 o Bouncing Checks Law.

Bagaman may P3,000 piyansang inilagak ang korte para sa pansamantalang paglaya ng pasahero, sinabi ni Bartolome na sa ginawang beripikasyon ng NAIA Police Station 3, wanted din sa mas mabigat na kasong syndicated estafa ang akusado na inilabas naman ang arrest warrant ng Taguig Regional Trial Court na walang inirekomendang piyansa.

Nasa pangangalaga na ng Warrant Section ng kinauukulang police station ang akusado, habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology.

“Seamless coordination among airport agencies underscores our commitment to ensuring that fugitives cannot evade the law through air travel,” pahayag ni Bartolome.