Calendar
Mayor Honey nagpasalamat kay Blinken, sa US, USAID
Sa ibinahaging anti-COVID equipment para sa Maynila
LUBOS ang ipinaabot na pasasalamat ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kay US Secretary of State Anthony Blinken sa US Government at USAID sa panibagong gamit na panlaban sa COVID-19 tulad ng testing at hygiene kits na ibinahagi sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa simpleng seremonya Sabado ng hapon sa loob ng Manila Zoo.
Sa kanyang pagsasalita, muling inalala ni Mayor Honey Lacuna na simula pa lamang ng pandemyang dulot ng COVID-19 ay nagsikap na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, na may halos dalawang milyong populasyon, na tugunan ang pandemya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Manila CODE COVID-19 na tumutukoy sa pagpigil at pag-antala ng nakamamatay na virus sa pamamagitan ng ipinatulad ng lockdown at curfew.
Sinabi niya na pinakilos nila ang lahat ng tanggapang may kaugnayan sa kalusugan kabilang ang City Health Department at anim na pagamutang pinatatakbo ng lokal na pamahalaan upang humarap sa hamon ng pagsusuri, pagtukoy at panggagamot sa mga pasyenteng tinatamaan COVID-19 kaya’t dito nila nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng katuwang na makakasama sa paglaban sa pandemya, tulad ng gobyerno ng bansang Amerika at USAID upang tumulong sa kanilang mamamayan na makaligtas sa pagtama ng sakit sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Ayon sa alkalde, sa tulong ng US Government at USAID, kaagad silang nakapag-turok ng 300 doses ng bakuna ng COVID-19 sa pamamagitan ng inilunsad na mobile vaccination drive at tinanggap na donasyon na IT equipment upang mapaayos ang pamamahala at pag-uulat sa pagbabakuna.
Ang Maynila aniya ay isa, kung hindi man pinakauna, sa lahat ng local government units (LGUs) sa buong Kamaynilaan na may pinakamabilis na ginawang pagbabakuna at ito’y dahil sa tulong ng pamahalaan ng Estados Unidos.
Pinasalamatan din ni Mayor Honey Lacuna si Secretary Blinken at ang partner sa US Government dahil sa pagigng kakampi sa panahong dumaranas ng matinding hamon ang buong mundo at umaasa aniya siya na mapapalawak pang lalu ang pagkakaibigan upang matiyak na lalu pang mapapabuti ng Lungsod ng Maynila ang kanilang sistemang pang-kalusugan.
Sa Blinken ay nagpasalamat din siya sa alkalde at sa lahat ng mga tumulong sa paglaban sa COVID-19, kabilang dito ang opisyal at kawani ng Department of Health (DOH), Manila City Health Office, Philippine Genome Center, Bulacan Medical Center, mga health care workers sa bawa’t komunidad at iba pang lider ng civil society na walang takot na harapin ang virus para lamang maapagligtas ng buhay.
Aniya, mapalad ang mga taga-Maynila sa pagkakaroon ng isang dating doktora para pangunahan ang pagtugon sa COVID-19. Labis aniya ang paghanga niya kay Mayor Honey Lacuna-Pangan sa ginagawang pagseserbisyo sa mamamayan, lalu na nang masaksihan niya kung paano mismong ang alkalde ang nagsagawa ng pagbabakuna sa isang bata.
“As the Philippines continues to work to vaccinate people, to reduce the spread and save lives, my message is simple: The United States is with you.We’ve been proud to have donated more than 33 million safe, effective vaccines to the Philippines, no political strings attached,” pahayag pa ni Secretary Blinken.