NHA

Cebu typhoon victims inayudahan ng NHA

Jun I Legaspi Dec 13, 2025
289 Views

NAGSAGAWA ang National Housing Authority (NHA) ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) distribution sa Carcar, Cebu upang ipamahagi ang cash aid na umaabot sa P57,865,000 noong Dec. 12.

Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na sumusuporta sa mga pamilyang nasira o nawasak ang mga tahanan dahil sa mga natural at man-made na sakuna.

Pinangunahan ni NHA Assistant General Manager Alvin Feliciano ang culminating activity kasama si NHA Region VII Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo.

“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang magkaloob po ng tulong-pinansyal sa mga naging biktima ng mga kalamidad,” sabi ni NHA GM Joeben Tai.

Umabot sa 5,787 pamilyang benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P10,000 cash assistance para sa pagkukumpuni ng bahay na nasira dahil sa mga kalamidad.

Ang bilang ng mga benepisyaryo ay batay sa nasuri ng DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) Report mula sa local government unit.

Dumalo sa okasyon sina Cebu Gov. Pamela Baricuatro, Carcar City Mayor Mario Patricio Barcenas, Vice Mayor Hervy Alejandro “Perkins” De Dios at iba pang opisyal mula sa NHA at LGU.

Ayon sa NHA Cebu, ang iba pang mga bayan sa katimugan ay naka-iskedyul sa mga susunod na payout sa mga susunod na araw.