Calendar
Batangas Rep. Leandro Leviste
Leviste sinabing lahat ng senador, pati ina, may 2025 budget insertions
SINABI ni Batangas Rep. Leandro Leviste na base sa mga file na nakuha niya mula sa yumaong undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Maria Catalina Cabral, lahat ng mga senador, kabilang ang kanyang ina na si Sen. Loren Legarda, ay may insertions diumano sa 2025 budget ng departamento.
Ayon kay Leviste, lahat ng senador ay may insertions diumano sa 2025 national budget na inaprubahan noong 2024 ng ika-19 na Kongreso.
“Ako po’y humihingi ng paumanhin sa mga senador pero ayon sa aking pagka-alala sa kanyang files, may kopya po ako dito sa aking laptop, wala po akong maalala na hindi kasama sa listahan,” sinabi ni Leviste sa isang panayam sa dzRH.
Sumagot si Leviste ng oo nang tanungin kung may insertion din ang kanyang ina sa 2025 budget.
“I can say, nandiyan. Tinanong ko siya at sinabi niya, hindi naman niya alam iyong mga nakalista diyan at sa mga senador actually pinakamaliit ang sa kanya,” aniya.
“Pero tinanong ko siya talaga at sabi niya, hindi niya alam ang mga ito. Pero kinukumpirma ko po na lahat ng tiningnan ko ay nandiyan sa listahan,” dagdag pa ni Leviste.
Ayon sa kanya, umabot sa P120 bilyon ang umano’y insertions ng mga senador sa DPWH budget, kabilang ang P1 bilyong insertion na iniuugnay kay Sen. Loren Legarda.
“Parang compensation ang lumalabas ang mga insertions na ’to dahil kahit hindi ka naman eksperto sa flood control pinapapili ka pa ng lugar kung saan popondo ng flood control project,” sinabi ni Leviste.
“Sa tingin ko balang araw lalabas din lahat ng files na ito kasi marami naman pong mga kopya sa loob ng gobyerno at ako nga po ay concerned para sa kanila dahil andaming ayaw na lumabas ang files na ’to,” ani Leviste.

