Calendar
LTFRB sa drivers, operators: Preno na sa paggamit ng pekeng PA, CPC
NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB sa mga driver at operator na gagamit ng pekeng Provisional Authority (PA) at Certificate of Public Conveyance (CPC) dahil nakatanggap ng report ang LTFRB hinggil sa pagdami ng mga pekeng PAs at CPCs lalo na sa mga probinsya.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa iba pang law enforcement agencies para magsagawa ng random document checking sa mga public utility vehicles (PUVs).
“Nakakatanggap kami ng mga ulat tungkol sa pekeng PA at CPC at isa ito sa mga bagay na tinututukan namin,” sabi ni Chairperson Mendoza.
Ibinahagi rin ni Mendoza ang kaso ng isang transport company na ginamit ng ilang mapagsamantalang may-ari ng sasakyan ang PA para sa kanilang ilegal na operasyon.
Sa imbestigasyon, napatunayang pekeng PA ito dahil ang nakapirmang si Joshua Viray hindi na konektado sa ahensya.
Patuloy ang imbestigasyon at tiniyak ni Mendoza na hahabulin ang mga sangkot sa modus.
Ipinaliwanag niya na mas mabigat pang offense ang paggamit ng pekeng PA at CPC kaysa sa colorum dahil ito ay may kasamang panlilinlang at pamemeke ng dokumento.
Kasama sa anti-colorum operations ang pag-impound ng mga sasakyan, at kasalukuyang nakikipagpulong ang LTFRB at DOTr sa Department of Justice upang mas palakasin pa ang kampanya laban sa colorum.
Bukod sa pagtatalaga sa korte bilang tanging entidad na maaaring magpalabas ng impounded vehicle, isinusulong din ng LTFRB ang agarang pagkakakulong ng mga mahuhuli.
Para sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC, sinabi ni Mendoza na may karagdagang kaso at multa dahil ito ay may kinalaman sa pamemeke ng pampublikong dokumento.
“Nakikipagpulong na kami sa iba’t-ibang stakeholders, kabilang ang mga transport groups, upang mas paigtingin ang pag-uulat laban sa mga gumagamit ng pekeng PA at CPC,” ani Mendoza.

