Tsino

2 Tsino naningil ng pautang sa kababayan na di sila inutangan, timbog

Edd Reyes Dec 28, 2025
380 Views

TIMBOG ang dalawang Chinese national na nanakot at nanggipit sa kanilang kababayan para bayaran ang utang ng kanyang kasama sa tirahan, Sabado ng gabi sa Parañaque City.

Sa ulat na ipinadala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin, nagtungo ang 38-anyos na si alyas “Haoxin” at 37-anyos na si alyas “France” sa unit ng isang condominium sa Barangay Don Galo alas-10:40 ng gabi, upang singilin ang P25,000 na utang ng isa nilang kababayang Chinese national.

Hindi inabutan ng dalawa ang sisingilin at dahil naroon sa unit ng condominium ang biktimang si alyas “Zhenahaj,” siya ang pilit na pinagbabayad ng utang na mariin nitong tinutulan dahil hindi naman siya ang nangutang.

Dito na bumunot ng baril ang isa sa dalawang suspek at tinakot na pahihirapan ang biktima kapag hindi nagbayad.

Kahit sakmal na ng takot, nagawang makatawag ng biktima sa kaibigan para humingi ng tulong.

Kaagad na tumawag sa 911 emergency hotline ang kaibigan ng biktima kaya nakapagresponde sa lugar ang mga tauhan ni Parañaque Police Chief P/Col. Nicolas Pinon, na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa at pagsamsam sa kalibre .9mm pistol na kargado pa ng siyam na bala ang magazine.