Calendar
Sunog sumiklab sa Pasay City, 200 pamilya nawalan ng bahay
TINUPOK ng apoy ang may 100 kabahayan sa sunog na sumiklab Sabado ng hapon na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 200 pamilya sa Pasay City.
Nagsimula ang sunog alas-2:14 ng hapon sa isang bahay sa looban ng M. Dela Cruz Street, Barangay 130, sa tapat ng Central Park Condominium na kaagad itinaas sa ikalawang alarma alas-2:20 ng hapon bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Aminado ang Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) na hirap silang maapula kaagad ang apoy dahil sa maliit na daanan patungo sa looban, kaya kinailangan nilang umakyat pa sa mga bubong para apulahin ang apoy.
Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog dakong alas-2:36 bago nakontrol ng alas-3:42 at naideklarang fire out ng alas-4:20 ng hapon.
Pansamantalang nanunuluyan sa Juan Sumulong Elementary School ang tinatayang 800 katao na nasunugan, kung saan sila pinadalhan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ng pink box na naglalaman ng pangunahing pangangailangan tulad ng food packs, inuming tubig, toiletries, banig at kumot.
Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog bagama’t naghihinagpis ang bawat pamilya dahil ito na ang ikatlong sunog na tumupok sa kanilang tirahan.
Ang unang insidente ay noong 2015 at sinundan noong 2020, na parehong dahil sa kuryente.
Inaalam pa ng arson investigators ang sanhi ng pagsiklab ng apoy at kung magkano ang tinatayang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
