Ridon Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon

Ridon sinuportahan paglimita ng ban sa e-trikes sa major Metro Manila roads

221 Views

PRAKTIKAL at nakasentro sa tao ang desisyon ng Land Transportation Office (LTO) na limitahan ang pagbabawal sa e-trikes sa piling pangunahing kalsada sa Metro Manila, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon nitong Biyernes.

Sinabi ni Ridon, na chairperson ng House committee on public accounts, ito’y makatutulong sa mga commuter na umaasa sa light electric vehicles (LEVs) para sa pang-araw-araw na biyahe.

“Nagpapasalamat tayo sa Land Transportation Office sa pagtatakda lamang ng mga partikular at mayor na mga kalsada sa Metro Manila kung saan ipinagbabawal ang mga e-trikes,” ani Ridon, na miyembro rin ng House committee on transportation.

Aniya, ito’y tugon sa matagal nang panawagan ng mga gumagamit ng e-trike at e-bike sa buong bansa para sa mga patakaran na kumikilala kung paano talaga ginagamit ang mga sasakyang ito sa aktwal na sitwasyon.

“Malaking pagsalubong ito sa panawagan ng mga e-trikes at e-bike users sa buong bansa na gawing mapang-unawa at makamamamayan ang patakaran sa light electric vehicles, lalo’t ginagamit talaga ito ng ating mga kababayan sa kanilang pang-araw-araw na buhay,” saad ni Ridon.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang regulasyon ay dapat magbigay ng balanse sa pagitan ng kaligtasan sa kalsada at mobilidad, lalo na para sa mga manggagawa at maliliit na negosyante na umaasa sa LEVs para sa maiikling biyahe.

Sa hinaharap, sinabi ni Ridon na handa ang Kongreso na makipagtulungan sa mga regulator upang pagandahin ang mga patakaran na sumasaklaw sa lumalawak na paggamit ng LEVs, partikular sa mga may bigat na lampas sa itinakdang threshold.

“Layunin nating makipagtulungan sa LTO at sa liderato ng Department of Transportation para sa bagong patakaran sa pagrerehistro ng mga LEVs na mas mabigat sa 50kgs, paglilisensiya sa mga nagmamaneho ng mga LEVs na mas mabigat sa 50kgs, at road safety education para sa lahat ng mga bibili ng mga LEVs,” wika niya.

Sinabi ni Ridon na ang malinaw at makataong balangkas ay makatutulong upang matiyak ang mas ligtas na mga kalsada nang hindi inaalis sa mga commuter ang abot-kaya at accessible transport options, habang patuloy na lumalawak ang paggamit ng electric trikes at bikes sa mga urban at suburban na komunidad.