Calendar
P2.9B ilalaan para sa school-based mental health program
SANHI ng nakakaalarmang pagpapakamatay ng maraming mag- aaral, binigyan pagpapahalaga ang School-Based Mental Health Program, na naglalayong isulong ang kapakanan ng mga mag-aaral at tugunan ang mga usapin sa mental health ng mga estudyante, kabilang ang pag-iwas sa mga insidente ng pagpapakamatay sa mga paaralan, at tatanggap ng P2.9 bilyon sa ilalim ng naka-enroll na 2026 national budget, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, ang naturang pondo ay alinsunod sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na kanyang inakda. Inaatasan ng batas ang pagbuo at pagpapalakas ng School-Based Mental Health Program upang tugunan ang mga suliranin sa mental health ng lahat ng learners.
“Kinikilala natin ang bigat at agarang pangangailangan na tugunan ang mga suliranin sa mental health ng mga kabataan. Kaya bahagi ng makasaysayang pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ang pagtaguyod sa mental health at kapakanan ng ating mga mag-aaral,” pahayag niya.
Siya ang kasalukuyang chairman ng Senate Committee on Finance.
Nakasaad din sa implementing rules and regulations ng batas ang paglikha ng Learner Wellness Division sa ilalim ng Bureau of Learner Support Services. Ang dibisyong ito ang mangangasiwa sa pagtatakda ng taunang mga target para sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang pagtatatag ng mga school mental health offices at care centers, gayundin ang pagpuno sa mga kinakailangang plantilla positions.

