LTFRB

Pagdagsa ng mga pasahero paghandaan–LTFRB

Jun I Legaspi Jan 2, 2026
243 Views

PINAGHAHANDA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng kanilang mga tauhan para sa pagdagsa ng mga pasahero matapos ang bakasyon noong Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, inabisuhan na niya ang mga kompanya ng bus at iba pang transport operators na tiyaking ligtas at maayos ng kanilang mga sasakyan upang masiguro na walang aberya sa biyahe ng mga pasahero.

“Layunin nating matiyak hindi lamang ang kaligtasan ng mga pampublikong sasakyan kundi pati ang kahandaan ng mga tsuper,” dagdag ng LTFRB chairman.

Target ng LTFRB ang zero road crash habang bumabalik ang milyun-milyong pasahero sa mga lungsod matapos ang bakasyon.

Inatasan din ni Chairperson Mendoza ang lahat ng regional directors na tugunan ang mga reklamo ng mga pasahero, lalo na kung tungkol sa mga pasaway na taxi drivers.

Babantayan din ng LTFRB ang pagsunod ng mga taxi companies at ride-hailing services sa mga bus terminal, pantalan, at paliparan sa buong bansa, ayon sa LTFRB.

Hinimok ng LTFRB ang mga pasahero na idulog ang kanilang mga reklamo sa LTFRB Hotline 0956-761-0739 at nangakong agad na kikilos sa mga hinaing kaugnay ng pampublikong transportasyon.