Calendar
NAPOLCOM sa pagharang ng PNP ng smuggled yosi: Laban vs smuggling, laban para sa bayan
PINURI ni National Police Commission (NAPOLCOM) Chief Commissioner Ralph Calinisan ang Philippine National Police (PNP) sa pagsamsam ng nasa P2.6 bilyong smuggled na sigarilyo sa Batangas at Malabon noong bisperas ng Bagong Taon.
“Ang laban kontra smuggling ay laban para sa bayan. Hindi lamang ito usapin ng ilegal na produkto, kundi ng ninakaw na pondo para sa serbisyo publiko at ng tiwalang inaasahan ng taumbayan sa kanilang gobyerno,” sabi ni Calinisan.
Nagsimula na ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy kung may kaugnayan ang P1.1 bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo na nadiskubre sa isang anti-carnapping operation sa Batangas City at ang P1.5 bilyong hindi rehistradong imported na sigarilyo na nakumpiska sa Malabon City.
Sa Batangas, natuklasan ng mga operatiba ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) ang mga trak at container vans na kargado ng smuggled na sigarilyo sa Sitio Singko, Balete, Batangas City.
Sa Malabon City, apat na suspek ang naaresto at tinatayang P1.5 bilyong halaga ng hindi rehistradong imported na sigarilyo ang nakumpiska.
Nagsimula ang operasyon matapos tumakas ang dalawang motorcycle riders na walang helmet mula sa mga awtoridad.
Nakorner ang mga suspek sa isang logistics facility sa M.H. Del Pilar Avenue, kung saan nadiskubre ang 18 container ng undocumented na sigarilyo.
Tiniyak ni Commissioner Calinisan ang buong suporta ng NAPOLCOM sa PNP sa kanilang pagsisikap na buwagin ang mga smuggling networks.

