Belmonte

QC, LTO reresolbahin isyu sa NCAP

Mar Rodriguez Aug 11, 2022
230 Views

SINIMULAN ng makipag-ugnayan at makipag-usap ng Quezon City government sa Land Transportation Office (LTO) para resolbahin ang isyu kaugnay sa panawagan ng isang kongresista at ilang sektor patungkol sa kontrobersiyal na “No Contact Apprehension Program (NCAP).

Kaugnay nito, maging si Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace Barbers ay nananaawagan na rin sa kinauukulan at ilang Local Government Units (LGU’s) kabilang na ang Lungsod Quezon na ipatigil na ang implementasyon ng NCAP.

Binigyang diin ni Barbers na mas makabubuting itigil na muna ng mga LGU’s sa Metro Manila ang pagpapatupad ng NCAP hangga’t hindi naaayos ang masalimuot na usaping nakapaloob sa NCAP kabilang na aniya ang Konstitusyonalidad nito.

Ipinaliwanag ni Barbers na ang lumolobong reklamo mula sa napakaraming motorista laban sa NCAP ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang rebyuhin ang lahat ng konrata at MOA ng NCAP upang malaman ang Konstitusyonalidad nito.

Dahil dito, sinabi ni QC Mayor Josefina “Joy” Belmonte na sinisimulan na rin nilang makipag-usap sa ibang LGU’s sa Metro Manila na mayroong kahalintulad na programa (NCAP) kaugnay sa usapin naman ng “uniform penalties sa ilalim ng NCAP”.

Ipinaliwanag ni Belmonte na bilang bahagi ng kaniyang “14-point agenda”, patuloy umano silang nakikinig sa sentimyento ng ilang “concerned citizen’s” na nagpahayag ng kanilang reklamo at pagka-diskontento sa implementasyon ng NCAP sa QC.

Gayunman, bagama’t mayroong panahawan na isuspinde na muna ang pagapapatupad ng NCAP, sinabi pa ni Mayor Belmonte na nananatili ang pagpapatupad ng NCAP sa QC.

“We wish to stress that motorists need not to worry about the unfair imposition of penalties. Since QC NCAP ordinance provides for an adjudication board where violations captured on video can be contested or questioned,” ayon kay Mayor Belmonte.