BBM Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. PCO file photo

Palasyo: Kalusugan ng Pangulo di biro

260 Views

NANAWAGAN ang Malacañang nitong Linggo ng pagpipigil, sinseridad at malasakit kasunod ng mga pahayag ni Senador Imee Marcos hinggil sa kalagayang pangkalusugan ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Binigyang-diin ng Malacañang na ang karamdaman ng Pangulo ay hindi dapat gawing biro o gamiting pampulitika.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ang kalusugan ng Pangulo ay dapat tratuhin nang may seryosong pagtingin at tunay na malasakit habang siya ay nagpapagaling mula sa kondisyong medikal na nangangailangan ng maikling obserbasyon sa ospital.

“Huwag natin gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo,” ani Castro sa isang statement.

“Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang tao na may pinagdaanang karamdaman. Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami,” dagdag niya.

Ang pahayag ni Castro ay kasunod ng sinabi ni Senador Marcos na nagkasakit ang kanyang kapatid dahil walang nag-aalaga sa kanya sa Malacañang, at iginiit na ang mga tao sa paligid ng Pangulo ay may kanya-kanyang agenda.

Naglabas ng tugon ang Palasyo matapos tiyakin ng Pangulo na ang naramdaman niyang pananakit noong Miyerkules ng gabi ay hindi banta sa kanyang buhay.

Ibinunyag ni Marcos na siya ay na-diagnose ng mga doktor na may diverticulitis, isang kondisyon kung saan ang maliliit na supot sa colon ay namamaga o naiimpeksyon, na karaniwan sa mga taong nakararanas ng matinding stress o nasa edad na.

Tiniyak ng Malacañang na patuloy na ginagampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin at nakabalik na siya sa Palasyo noong Huwebes matapos ang overnight medical observation, at binigyang-diin na nananatiling stable ang kanyang kalagayan. Philippine News Agency