DILG Source: Ping Lacson FB post

Lacson: Ipatanggal mga ‘epal’ billboard sa proyekto

147 Views

TODO suporta si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government na ipatanggal ang mga pangalan at larawan ng mga opisyal ng gobyerno sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.

Ayon kay Lacson, walang lugar sa serbisyo publiko ang mga tinatawag na “epal” billboard na tampok ang pangalan at mukha ng mga pulitiko, at maaari pa umanong magpahiwatig ng sobrang gastos sa mga proyekto.

“This one I like and support unequivocally. While surely, there are no ghost billboards, most likely the ‘epal’ billboards are as overpriced as the projects,” ani Lacson sa kanyang X post kaugnay ng kautusan ng DILG.

Sa Memorandum Circular 2026-006 na may petsang Enero 29, ipinagbawal ng DILG ang pagpapaskil o paglalagay ng pangalan, imahe, at wangis ng sinumang opisyal ng gobyerno sa mga proyekto ng pamahalaan. Saklaw din ng pagbabawal ang paggamit ng larawan, islogan, logo, color motif, mga inisyal, o anumang simbolo o grapikong may kaugnayan sa opisyal ng gobyerno sa mga karatula ng proyekto.

Iniutos din ng ahensiya ang agarang pagtanggal ng lahat ng umiiral na karatula, tarpaulin, marker, o iba pang materyales na lumalabag sa nasabing circular.

“Government programs are not personal billboards. These are funded by taxpayers and must reflect public service, not political credit grabbing,” saad sa kautusan.

Binanggit din ni Lacson na patuloy niyang isinusulong ang paghihigpit laban sa political self-promotion sa pamamagitan ng malinaw na safeguards sa 2026 national budget upang maiwasan ang pang-aabuso at political patronage.

“The national budget must not be a political tool or spoils for those in power. We deserve a budget that truly serves the people, free from political exploitation. While we have made headway, the path forward remains extensive,” ani Lacson.