Chiz

Mga respondent sa draft report inuri base sa level ng ebidensya — Ping

140 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson Lacson na ang kontrobersiyal draft report ng makapangyarihan na Senate blue ribbon committee ay inihanda ng legal staff ng komite sa ilalim ng paggabay ni dating Deputy Ombudsman Atty. Mosquera at inuri ang mga respondent batay sa lakas ng ebidensyang nakalap sa mga pagdinig.

Sa panayam sa DZBB, ipinaliwanag ni Lacson na sa mga kaso nina Senador Jose “Jinggoy” Estrada at Senador Joel Villanueva, ang mga testimonya ay sinusuportahan ng mga entry sa General Appropriations Act na tumutukoy sa umano’y halaga ng kickbacks.

Sa kaso naman ni Senador Francis “Chiz” Escudero, sinabi ni Lacson na walang corroborative evidence.

Posible pa din ang rebisyon sa report, paglilinaw ni Lacson matapos niyang kumpirmahin na ang draft report hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects ay na-leak bago matapos ang kinakailangang proseso ng internal review at pag-apruba.

Iginiit ni Lacson na hindi pa ito opisyal na ulat ng komite hanggat hindi nalalagdaan ng iba pang kasamang miyembro nito.

Ayon kay Lacson, halos apat na pulgada ang kapal ng ulat at naglalaman ito ng detalyadong salaysay at legal na batayan. Matapos mabuo ang draft, ipinasa ito sa mga miyembro ng komite para sa paglagda, alinsunod sa matagal nang praktis.

Sa kabuuang 20 miyembro ng komite, kabilang ang mga ex officio, kailangan ang hindi bababa sa 11 lagda upang ang ulat ay opisyal na maiharap sa plenaryo ng Senado.

Nang ma-leak ang draft, pito pa lamang ang lumagda sa dokumento, kabilang si Lacson.

Sinabi niyang nahinto ang proseso matapos ang paglabas nito dahil may ilang kasamahan na humiling ng mas mahabang panahon upang basahin ang buong ulat. Kalaunan, umatras sa kanilang lagda sina Senador Sherwin Gatchalian, Senador JV Ejercito at Senador Migz Zubiri—isang hakbang na sinabi ni Lacson na kanyang nirerespeto.

Ayon kay Lacson, natunton ang pag-leak sa isang staff na wala sa pormal na proseso ng distribusyon ng komite. Nilinaw rin niya na walang opisyal na kopya ang ibinigay kay Senador Lito Lapid, bagamat iniulat na ang media relations officer nito ang naiuugnay sa pagkalat ng draft.

Binigyang-diin ni Lacson na bagamat nabanggit ang pangalan ng ilang senador sa mga pagdinig, malinaw sa draft na hindi inirerekomenda ang pagsasampa ng kaso laban kina Senador Mark Villar, Senador Grace Poe, at Senador Nancy Binay dahil sa kawalan ng validation o corroboration.

Iniulat na itinanggi ni Senador Villanueva ang mga paratang at kinuwestiyon ang paglabas ng dokumento, na binigyang-diin niyang draft pa lamang ito.

Iniulat din na itinanggi ni Senador Estrada ang anumang pagkakasangkot, habang iniulat namang sinabi ni Senador Escudero na wala pang reklamo laban sa kanya na naisampa sa Department of Justice.

Sa gitna ng kontrobersiya hinggil sa posibleng pagbabago sa pamunuan ng Senado at reorganization ng mga committee chairmanship, nagsalita si Senate President Vicente “Tito” Sotto III at sinabing ang tensyon sa loob ng Senado ay nag-ugat sa mga sensitibong usapin sa mga komite, kabilang ang Blue Ribbon draft report, at sa magkakaibang pananaw sa foreign policy, hindi sa personal na isyu laban sa kanyang pamumuno.

Binigyang-diin ni Sotto na ang anumang ulat ng komite ay kailangang dumaan sa tamang proseso bago magkaroon ng legal o institusyonal na bigat.

“Pag hindi nakakarating sa plenary… it’s just a piece of paper,” ani Sotto, sabay paliwanag na kailangang lagdaan muna ng mayorya ng mga miyembro ng komite ang ulat bago ito mapag-usapan o mapagpasiyahan.

Dagdag pa niya, bagamat may mga naging talakayan sa hanay ng mga senador, walang konkretong hamon sa kanyang pamumuno ang nabuo, at nananatiling matibay ang suporta sa kanya ng hindi bababa sa 15 senador—higit sa bilang na kinakailangan upang mapalitan ang isang Senate president.

Ayon kay Lacson, may mga espekulasyong umusbong na iniuugnay ang pag-leak sa mga internal na usapan sa Senado, ngunit binigyang-diin niyang dapat ihiwalay ang haka-haka sa ebidensya. Idinagdag niya na walang ganitong hakbang ang umusad dahil kulang sa suporta.

Muling iginiit ni Lacson na hindi niya itutulak ang ulat sa plenaryo kung wala ang kinakailangang mayorya at hindi niya ipipilit ang kanyang posisyon sa komite. “The chairman is not the committee,” diin niya.