Lacson1

Pagsuko ng KIG walang pinagkaiba sa pagsuko ng Pinas — Lacson

220 Views

WALANG pinagkaiba ang anumang mungkahi na isuko ang Kalayaan Island Group (KIG) sa pagsuko ng Luzon o maging ng buong bansa, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.

Ayon kay Lacson, sa ilalim ng international law, ang unang pagtuklas at pananakop sa lupang “belongs to no one” — tulad sa kaso ng KIG — ay kinikilalang paraan ng pagkuha ng soberanong pagmamay-ari.

“‘Giving up’ the Kalayaan Island Group (KIG) is no different from giving up Luzon Island or the entire country. Under international law, first discovery and possession of land that belongs to no one under the legal principle of ‘res nullius’ or ‘terra nullius’ is a recognized mode of sovereign ownership. Even non-lawyers were taught this in school,” ani Lacson sa kanyang post sa X.

Paliwanag niya, ang abogado at adventurer na si Tomas Cloma ang nakatuklas at sumakop sa Spratly Islands sa ilalim ng “res nullius,” kung saan ang sinumang makatuklas at makapanakop sa lupain ay kinikilalang may-ari nito, at kalaunan ay isinuko ni Cloma ang pagmamay-ari sa pamahalaan ng Pilipinas.

Sinabi ni Lacson na lumutang ang usapin sa pagdinig ng Commission on Appointments matapos magmungkahi si Senator Rodante Marcoleta na “i-give up” ang KIG, at iginiit na ang apat na features na okupado ng Pilipinas sa KIG ay “way, way beyond our EEZ” at “wala po sila sakop ng EEZ.”

Sa interpellation ni Marcoleta, sinabi niyang ang exclusive economic zone at ang West Philippine Sea ay “two different animals,” at iginiit na ang arbitral award ay nilinaw ang EEZ ngunit hindi umano ni-rule ang West Philippine Sea. Tinukoy niya ang apat na features sa KIG na okupado ng Pilipinas — Pag-asa, Parola, Kota, at Lankiam — at iginiit na ang mga ito ay “outliers” at nasa “high seas.”

Binanggit din ni Marcoleta ang Administrative Order No. 29, kung saan inaatasan ang mga ahensiya na maghanda ng opisyal na mapa ng West Philippine Sea para i-deposito sa tanggapan ng UN Secretary General, ngunit iginiit niyang hindi ito maisakatuparan dahil, sa kanyang paliwanag, nasa labas ng EEZ ang KIG at posibleng maging isyu sa UNCLOS kung ilalagay sa mapa na parang inaangkin ang “high seas.”

“Ang gawin natin po para madali, i-give up natin yung KIG. Then, mako-coordinate na natin lahat,” ani Marcoleta sa pagdinig.

“Yan ang hindi ko mapalampas,” ani Lacson sa panayam sa DZBB noong nakaraang Huwebes.

Sa parehong panayam, sinabi ni Lacson na nakialam siya “to set the record straight,” at ibinalik ang usapin sa “res nullius,” na aniya’y tinatalakay sa Command and General Staff course.

Ayon kay Lacson, matapos isuko ni Cloma sa gobyerno ang kanyang claim, naglabas si President Marcos Sr. ng Presidential Decree 1596 at ang tinawag na “Freedom Land” ay tinukoy bilang Kalayaan Island Group, na aniya ay isang munisipalidad sa Palawan.

Binigyang-diin ni Lacson na bumisita siya sa KIG noong 2021 at sinabi niyang ang tanging inhabited island doon ay may humigit-kumulang 300 pamilya at may mga paaralan, at binanggit ang Barangay Pag-asa bilang bahagi ng munisipalidad sa Palawan.

“When I heard Sen. Marcoleta say that we should give up KIG, I had to clear the issue and assert why KIG is ours. Sen. Marcoleta claimed the KIG is outside the EEZ, and I cannot accept that because there were Filipinos living on Pagasa Island,” ani Lacson.

Sinabi ni Lacson na kailangan umanong linawin ang usapin at hindi isuko ang KIG, at iginiit niyang may batayan kung bakit ito pag-aari ng Pilipinas. Dagdag niya, hindi niya matanggap ang argumento na nasa labas ito ng EEZ dahil naroon na ang mga Pilipino, may mga residente nang itinuturing na kanila ang lugar, at may isinasagawang pananaliksik doon.

Idinagdag ni Lacson na nananatiling umiiral ang dekreto na kanyang binanggit. “That PD was not repealed. It was retained in the maritime zone,” ani Lacson.