Calendar
House Deputy Majority Leader Gil “Kabarangay Jr.” Acosta
Justice panel titingnan muna form, substance ng impeachment raps vs VP Sara
REREPASUHIN muna ng Kamara ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Z. Duterte, kabilang ang affidavit na isinumite ng dati nitong aide na si Ramil Madriaga, ayon kay House Deputy Majority Leader Gil “Kabarangay Jr.” Acosta nitong Sabado.
“We will see dahil hindi pa po nababasa,” ani Acosta, na ex-officio member ng House committee on justice, bilang tugon sa tanong ng mamamahayag sa ambush interview kung isasama ang kliyente ni Atty. Raymund Palad ng Palad, Lauron Palad and Te (PLPT) Law Office na si Madriaga.
“Doon pa lang natin makikita ’yung nilalaman ng complaint,” aniya.
Sina Acosta at Palad ay mga panauhin sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Madriaga handang humarap
Ayon kay Palad, handang humarap si Madriaga sa impeachment process ni Duterte at dumalo sa Kongreso, Senado o Ombudsman kung ipatatawag.
“Alam niya kasi nag-aral naman ng abogasya ’yan. Alam niya the fact na nag-execute siya ng affidavit, puwede siyang ipatawag sa Kongreso, sa Senado o sa Ombudsman,” ani Palad sa media forum. “So ’yung willingness niya, yes. Basta maka-receive siya ng subpoena o ipatawag, mag-a-appear po siya.”
Sinabi ni Palad na wala pang lumapit sa kanya o sa kanyang kliyente magmula noong ma-file ang mga impeachment complaint at nalaman lamang nila sa balita na ginamit ang affidavit ni Madriaga bilang basehan sa reklamo.
“Sabi ko nga sa inyo no’ng nai-file itong impeachment na ito, hindi ho nga namin alam na gagamitin,” ani Palad. “Sa news report ko lang nalaman na ginamit pala nila as one of the grounds.”
“After filing, wala pong lumalapit na i-ready na or what. In fact, mula nung mai-file ’yung impeachment, hindi pa kami nagkakausap ni Ramil,” dagdag ni Palad.
Sinabi ni Palad na handa silang magsumite ng ebidensiya, kabilang ang electronic records.
“Kaya nga po, ’yung efforts namin na makuha ’yung three mobile phones niya, sabi niya, ‘Attorney, makuha mo lang ’yan, andiyan lahat ng ebidensiya’,” ani Palad.
Aniya, hihingi sila ng tulong mula sa impeachment court kung kinakailangan.
“Kung hindi namin makuha ’yan sa paraan namin, at least the impeachment court can subpoena, can order the court to surrender the three mobile phones for forensic examination,” saad ni Palad.
Michael Yang, Ling Wei Xiong
Ayon kay Palad, in-identify ni Madriaga ang Chinese nationals na sina Michael Yang at Ling Wei Xiong na kabilang sa mga taong personal na nakasalamuha nito sa pagkuha at paghahatid ng pera.
“Ang sinasabi niya lang mga places kung saan siya kumukuha ng pera. Ang nababanggit niya ’yung pangalang Michael Yang at Ling Wei Xiong, ’yan ang mga nakikita niya, nakakasalamuhan niya,” wika ni Palad base sa kuwento ni Madriaga.
Nang tanungin si Palad kung ang Yang na nabanggit ay ang dating adviser on economic affairs o consultant ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kinumpirma niya ito.
“Yes,” aniya at sinabing si Ling Wei Xiong ay isa sa mga na- summon na ng House quad committee.
“Si Ling Wei Xiong, ’yung pinapatawag sa Quad Comm na ang sabi nasa Hong Kong na engaged sa illegal drugs, ’yun ang mga binabanggit niya na mga pangalan,” saad ni Palad.
Aniya, nabanggit ang dalawang pangalan sa specific encounters sa pag-handle ng pera.
“Mostly pagdating sa pickup and deliveries ng pera,” sinabi ni Palad. “Pag sinabi sa kanyang pumunta sa ganitong lugar, tinatawagan siya, kukuha siya ng pera.”
Nang tanungin kung ang kliyente niya ay tagakolekta lang ba o naghahatid din ng pondo, sinabi ni Palad na pareho.
“Parehas,” aniya. “Kukuha siya ng pera sa isang POGO (Philippine offshore gaming operation) location at kung saan dadalhin, ida-drop niya ’yung pera.”
Ang statements ng kanyang kliyente ay limitado lamang sa kanyang nakita mismo at ginawa, base sa instructions na kanyang nakuha mismo at mga lokasyong pinuntahan, diin ni Palad.
Dagdag pa niya, ang mga detalyeng ito ay nandoon na sa dokumentong kanyang isinumite, at ang paglalahad ng kaganapan ay limitado lamang sa mga pangalan, lugar at aktibidad na nakita niya mismo ― hindi espekulasyon o secondhand information.
Sinabi rin ni Palad na dahil sa banta sa seguridad, pinag-aaralan nilang mag-apply si Madriaga sa Witness Protection Program (WPP).
“Ang policy ng court, pag ang lahat ng detention prisoner pending trial, laging sa BJMP (Bureau of Jail Management and Penology) ’yan. Hindi ka puwedeng mag-request ng special treatment sa Camp Krame o sa NBI (National Bureau of Investigation) kahit na sabihin mo may threat sa buhay mo,” paliwanag ni Palad.
Aniya pa, ang isang detainee ay maaari lamang malipat base sa limited circumstances.
“So the only way na malilipat ka ng detention is, number one, kung magkakaroon ng Quad Comm, puwede kang kunin ng Quad Comm… or kung magka-qualify ka sa witness protection program,” ani Palad.
Ang pag-apply sa WPP ay hindi nangangahulugang pagbawi sa anumang affidavit o reklamo, aniya pa.
“Hindi kapalit ’yung pag-urong ng demanda. Ililipat ka lang para ma-secure ’yung safety mo while awaiting ng trial sa affidavit mo,” saad ni Palad.
Sinabi pa niya na ang mga banta ay mula sa loob ng detention facility.
“Ayaw ko nang magbanggit ng personality, pero mula nang lumabas ’yung affidavit na ’yan, sobrang pag-iingat kasi ’yung threat nasa loob,” wika ni Palad. “Maraming detention prisoner diyan na handang manakit o pumatay sa kalahating milyon o limang milyong [piso].”
“So hindi natin binabalewala ’yung threat na ’yun,” giit niya. Humingi na rin sila ng tulong sa jail officials para matiyak ang seguridad ni Madriaga at apektado na rin ang kanyang pamilya, ani Palad.
“Imagine in the case of Ramil Madriaga, ’yung pamilya niya nagtatago, hirap, affected ’yung pag-aaral ng mga anak niya,” aniya.
Itinanggi rin niya ang mga paratang na lubos na mayaman ang kanyang kliyente.
“’Yung mga motor, hindi ko nakikita ’yung rangya ng buhay. Never po,” ani Palad at sinabing ang mga ibang bagay na tinutukoy ay binigay lamang sa kanya.
Impeachment complaints
Samantala, nahaharap si Duterte sa dalawang reklamong impeachment na inihain noong Lunes, at binanggit dito ang mga alegasyon ni Madriaga.
Batay sa mga reklamo, diumano’y naglipat ng malaking halaga ng pera si Madriaga para sa iba’t ibang tao sa utos ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, at tumanggap umano ito ng pondo mula sa drug lords at operator ng POGOs noong 2022 elections.
Ipinaliwanag ni Acosta na sa ngayon, limitado lamang ang papel ng House justice committee.
“Simply lang naman ho ’yung trabaho ng mga miyembro ng committee on justice. Number 1, sufficiency in form; Number 2, sufficiency in substance,” aniya.
Nang tanungin kung maaari ba niyang ikumpara ang impeachment complaints laban sa Bise Presidente sa mga na-file laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na idineklarang “insufficient in substance” ng Kamara, sinabi ni Acosta na premature pa para humusga.
“Hindi ko pa makita dahil hindi pa natin nabasa ’yung dalawang complaint,” ani Acosta. “Ang trabaho naman lang namin sa committee on justice bilang ex-officio member is No. 1, either sufficient in form; second is sufficient in substance.”
Nilinaw niya na ang pagdedetermina ng guilt o innocence ay wala sa Kamara.
“So doon maglalaro regarding guilty or not guilty, hindi sa amin. ’Yun ay nakaatang sa Senado,” sinabi ni Acosta. “Ito kung mayroon man lang basehan o walang basehan.”
Sinabi ni Acosta na bumoto siya na ideklarang insufficient in substance ang impeachment complaints laban sa Pangulo.
“Doon sa dalawa, syempre nakita natin na although ang determination kasi number one, there is sufficiency in form. But as to sufficiency in substance, doon magkakatalo,” aniya at binanggit ang mga kakulangan.
“Number one, hindi po personal knowledge. Second, hindi verified ’yung documents. At pangatlo, hindi po puwedeng puro conclusions of law,” pahayag ni Acosta. “So ’yun ang naging dahilan para sa akin para bumoto to declare the two complaints not sufficient in substance.”
Tinanong din ito kung uusad pa ang impeachment complaints laban kay VP Duterte. Sinabi ni Acosta, “Wala pa po. Kailangan mabasa muna natin ’yung complaint at ang annexes niya. Kung mayroon bang laman o walang laman.”
Nilinaw din niya na ang pag-request ng detention o transfer of custody ng resource person ay wala sa kapangyarihan ng Kongreso.
“But it is not within the purview of Congress,” aniya. “’Yung sa amin especially in the committee on justice is the determination on whether or not puwede pa bang mag-elevate sa second phase ng process.”
Sa ngayon, ani Acosta, aantayin ng House members ang pormal na transmittal at referral ng mga complaint bago magkaroon ng judgment.
Noong Biyernes, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil na pormal na ipinadala ng kanyang opisina noong Huwebes ng hapon ang dalawang impeachment complaint laban kay Duterte sa tanggapan ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, alinsunod sa Konstitusyon at Rules of the House of Representatives.
“Upon receipt and verification of the complaints and their accompanying endorsements, the Office of the Secretary General forwarded the documents to the Office of the Speaker for appropriate action,” ani Garafil, at binigyang-diin na may ministerial duty at administrative function ang kanyang opisina, batay sa Konstitusyon, Rules of the House, at long-standing protocol.
Ang unang verified impeachment complaint laban kay Vice President Duterte ay mula sa Makabayan Coalition at inendorso nina Party-list Representatives Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), Sarah Jane Elago ng Gabriela Women’s Party at Renee Louise Co ng Kabataan.
Ang Makabayan complainants ay sina Francisca “France” Castro, Arlene Brosas, Liza Maza, Atty. Neri Colmenares, Renato Reyes Jr., Raymond Palatino, David Michael M. San Juan, David D. D’Angelo, Modesto Floranda, Ronaldo “Ka Jerome” Adonis, Eufemia Doringo, Jocelyn Andamo, Amirah Ali Lidasan, Jeffrey F. Ranoy, Francisco “Eco” Dangla III, Jandrie Layba, Erlinda Alfonso, Albert G. Pascual, Raymond Basilio, Cathleen Gaea B. de Guzman, Mhing Archie S. Gomez, Tiffany Faith F. Brillante, Francesca Mariae M. Duran, John Lesther Mercader, Sheila Mae L. Cupay, Raven Kristine B. Racelis, Allen Marc D. Ballesteros, Kenneth Alexander Castor, Justine Antonie D. Wagan, Santino Antonius Miguel V. Arroyo, Michael Troy C. Cabangon, John Paul Y. Azusano, Zenaida Soriano, Maria Belinda V. Sevilla, John Andre Malaca Alcala, Geraldine T. Balingit, Aliyah Mikaela C. Cruz, Jomarie Shade E. Bayona, Keith Neil Xavier C. Señido, Aries Lingad Soledad, Lucky E. Oraller, Antonio C. Fajardo, Elizabeth T. Camoral, Mario Q. Fernandez, at Ronnie C. Manalo.
Sina Party-list Representatives Leila de Lima ng Mamamayang Liberal at Perci Cendaña ng Akbayan ang nag-endorse ng second impeachment complaint na na-file ng representatives ng progressive organizations at civil society groups.
Ang petitioners ay sina Francis Joseph Aquino Dee, Sylvia Estrada Claudio, Teresita Quintos Deles, Eugene Louie Gonzales, Ma. Yvonne Christina C. Jereza, Fr. Flaviano Villanueva, Fr. Robert Paguia Reyes, Sister Susan Santos Esmile, Karl Patrick Suyat, Leah Lopez Navarro, Matthew Christian Silverio, former Ifugao Rep. Teodoro B. Baguilat Jr., Yzekiel Venn L. Rivera, Anna Cubacub, Alicia Murphy, Rowena Amon, at Josua Fred Tolentino Mata.

