BIR

Bagong audit framework ng BIR balanse para sa gobyerno, taxpayer

164 Views

SINABI ni Senador Sherwin “Win” T. Gatchalian na ang bagong audit framework ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakatuon sa mas episyenteng pangongolekta ng buwis habang pinangangalagaan ang karapatan ng mga nagbabayad, lalo na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“The new BIR tax audit system finds the right balance between revenue collection efficiency and protection of taxpayers’ rights, especially those of micro, small, and medium enterprises. By preventing multiple and overlapping investigations into the same taxpayer, the BIR is reducing the administrative burden of MSMEs. This is important if the government wants to enhance ease of doing business in the country, which is necessary in encouraging tax compliance and attracting new investors.

Kailangan nating tiyakin na maayos at patas ang pangongolekta ng buwis upang makahikayat ng mas maraming mamumuhunan. Sa ganitong paraan, napapalakas ang kita ng gobyerno para pondohan ang mga programang mag-aangat sa ating mga kababayan mula sa kahirapan.”

Batay sa Revenue Memorandum Order (RMO) No. 001-2026 na may petsang Ene. 27, ipinatupad ng BIR ang “Single-Instance Audit Framework” kung saan, bilang pangkalahatang tuntunin, isang electronic Letter of Authority (eLA) lamang ang maaaring i-isyu sa isang taxpayer para sa isang taxable year na sasaklaw sa mga naaangkop na uri ng buwis, kabilang ang value-added tax, at ipinagbabawal ang multiple o overlapping eLAs para sa parehong taxpayer at taon.

Nakasulat din sa kautusan na ang mga binagong patakaran ay kasunod ng pag-alis ng naunang suspensyon sa tax audit at iba pang kaugnay na field operations sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 107-2025, matapos ang mga reklamo tungkol sa iregularidad at hindi pagkakapare-pareho sa pagsasagawa ng mga audit.

Ayon kay Gatchalian, ang pag-iwas sa paulit-ulit o sabayang audit sa iisang taxpayer ay makababawas sa dagdag na pasanin sa mga maliliit na negosyo at makatutulong sa layuning mapabuti ang ease of doing business, na may epekto rin sa tax compliance at pag-akit ng mga mamumuhunan.