Tax

Pagtaas ng tax-exempt baseline isinusulong

35 Views

ITINUTULAK nina Senadora Loren Legarda at Senadora Pia Cayetano ang pagtaas ng income tax exemption threshold sa bansa, kasabay ng panawagan na repasuhin ang kasalukuyang ₱250,000 taunang baseline upang mas lumaki ang maiuuwi ng mga manggagawa sa gitna ng mataas na gastos sa pamumuhay.

Sa public hearing ng Senate Committee on Ways and Means noong Huwebes, Hunyo 4, sinabi ni Legarda na maaaring hindi na akma sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya ang umiiral na tax-exempt baseline dahil mahigit walong taon na itong hindi nababago.

“I support any adjustment to increase the tax-exempt baseline, which is set, what is it now, P250,000 per year?” sabi ni Legarda.

“So, it’s half of 2026, it’s more than eight years since the baseline was determined, a review is in order, and definitely any adjustment will be welcome to the middle class,” dagdag niya.

Sinabi ni Legarda na dapat ituring na priority measure ang mga panukala, ngunit binigyang-diin na kailangang maging makatao at makatotohanan ang anumang pagtaas habang isinasaalang-alang ang pangangailangan ng pamahalaan sa pondo.

Iginiit din ni Cayetano ang pagtaas ng individual income tax exemption threshold, matapos niyang sabihing lumiit na ang tunay na halaga ng ₱250,000 baseline na itinakda noong 2018 dahil sa inflation.

“Today, with inflation, that P250,000 threshold that we passed in 2018, that value is now P341,000. So if you only cover P250,000, which is by law, they’re only able to buy a smaller amount of their daily needs,” sabi ni Cayetano.

Ayon kay Cayetano, ang compensation income earners ay bumubuo sa 90 porsiyento ng lahat ng individual income tax filers kaya mahalaga ang adjustment para sa mga manggagawa at pamilyang humaharap sa mataas na presyo ng bilihin.

“We haven’t even given an increase yet. We’re basically just covering the same amount that was anticipated to be spent in 2018,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na kung itataas sa ₱400,000 ang tax-exempt threshold, hanggang 98 porsiyento ng tax filers ang maaaring ma-exempt. Aniya, makatutulong ito sa isang gurong kumikita ng ₱31,700 kada buwan upang makatipid ng mahigit ₱16,000 kada taon para sa pagkain, gamot at iba pang pangangailangan sa bahay.

Patuloy pang sinusuri ng Ways and Means panel ang mga panukala, kabilang ang magiging epekto ng mas mataas na exemption threshold sa mga manggagawa, taxpayer at kita ng pamahalaan.