Lacson

Lacson: Awkward nama pag binago pagkaso kina Sen. Villanueva, Estrada

165 Views

HINDI mababago ang pagkakaso kina Sen. Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada dahil awkward naman pag binago ito.”

Ito ang sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa panayam sa DZBB nitong Linggo.

“Kumpara mo kina Sen. Mark Villar at mga dating senador na sina Grace Poe at Nancy Binay na walang basehan. Yung kay Senator Francis Chiz Escudero ay wala rin ngunit binanggit siya mismo ni (Jose) Bernardo na tumanggap at diumano ay nagpasalamat pa daw siya,” dagdag ni Lacson.

Binanggit ni Lacson na nagtugma ang testimonya ng whistleblower at mga dokumentong pinansyal sa mga kaso nina Senador Joel Villanueva at Senador Jose “Jinggoy” Estrada.

Ayon kay Bernardo, si Villanueva umano ay humiling ng ₱1.5 bilyong pondo para sa proyekto na nauwi sa flood control, na may 25% komisyon pa rin.

“So noong sinabi sa P600M, pag-compute mo ang 25% sakto doon sa P1.5 billion,” ani Lacson.

Naiugnay naman si Estrada sa halos ₱355 milyong halaga ng katulad na proyekto, batay sa talaan ng mga proyekto at pahayag ng ilang resource persons.

Iniulat rin na sina Senador Villanueva, Estrada, at Escudero, kasama sina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at mga dating kinatawan na sina Zaldy Co at Mitch Cajayon-Uy, ay kabilang umano sa mga pangalan sa draft report na posibleng kasuhan ng katiwalian at pandarambong.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi pa pinal ang draft report at inaasahang magkakaroon pa ng karagdagang pagdinig. “Tatapusin ko, i-close ko ang pagdinig probably after one or two hearings… gagawa na ako ng final committee report,” aniya.

“Work in progress and draft report pero hindi mababago ang sustansiya,” sabi pa ni Lacson.

Kinumpirma din ni Lacson na patuloy na nire-rebisa ang draft partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects, sa gitna ng mga konsultasyon sa majority bloc ng Senado.

“Magmi-meeting ulit kami sa Lunes, bukas ng umaga, sa mga miyembro ng majority para liwanagin ang mga concerns nila… Kaya work in progress ang pag-revise ng draft partial committee report,” ani Lacson, bilang tugon sa tanong kung bakit hindi pa naisusumite ang ulat ng komite.

Pinamumunuan ni Lacson ang Blue Ribbon Committee na nagsagawa ng serye ng mga pagdinig hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan sa mga proyektong flood control. Giit niya, dapat may sapat na ebidensya at batayang legal ang bawat rekomendasyon. “Dapat may pagbabasihan sa batas ang ebidensya,” ani Lacson, at hindi sapat ang purong alegasyon lamang.

Ipinaliwanag niyang may mga pangalan na nabanggit sa mga testimonya ngunit hindi inirekomendang sampahan ng kaso dahil walang kaukulang dokumentaryong patunay. “So paano namin i-recommend na makasuhan yan kung wala namang laman kundi ang pagkasabi?” aniya, ukol sa mga kasong umaasa lamang sa salita ng testigo.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi pa pinal ang draft report at inaasahang magkakaroon pa ng karagdagang pagdinig. “Tatapusin ko, i-close ko ang pagdinig probably after one or two hearings… gagawa na ako ng final committee report,” aniya.

Aminado rin si Lacson na posibleng naaantala ang proseso dahil sa personal na koneksyon ng ilang kasapi ng majority bloc. “Hindi maalis na sa majority block ngayon may personal attachments… kaya nag-aalanganin silang pumirma,” dagdag niya, ngunit umaasa siyang mareresolba ang lahat ng alalahanin.

Bukas din umano si Lacson sa mga mungkahing amyenda, lalo na sa mga detalye at isyung dapat isama sa ulat.

“Tulad na lamang ng puna ni Sen. Erwin Tulfo kung saan ay parang nakukulangan siya. Tama yun na magbigay sila ng kanilang input dahil totoo naman na chairman lamang ako ng komite na ito at hindi ako ang komite mismo na siyang may pinal na salita sa report na isusumite namin,” giit ni Lacson.

“I hope so. Sana ma-resolve na namin lahat ng kanilang concerns… at magawa na namin ang final report para makapag-move-on na kami,” pagtatapos niya sa panayam sa DZBB.