Calendar
SOURCE: MIGRANTE INTERNATIONAL FB
Mary Jane Veloso sumulat mula preso, humihingi ng kalayaan
MAHIGIT isang taon na mula nang makabalik sa Pilipinas si Mary Jane Veloso, matapos ang halos 15 taong pagkakakulong sa Indonesia dahil sa kasong matagal na niyang iginiit na hindi niya ginawa.
Noong Disyembre 18, 2024, sinalubong siya ng pamilya at mga tagasuporta mula sa iba’t ibang sektor pagdating sa bansa. Gayunman, nananatili pa rin siyang nakapiit sa Correctional Institution for Women habang hinihintay ang tuluyang resolusyon ng kanyang kaso.
Sa isang liham, nagpasalamat si Veloso sa lahat ng tumulong at sumuporta sa kanya. Aniya, malaki ang naging papel ng panalangin at pagkilos ng publiko sa pagpapatigil ng pagpapatupad ng death penalty laban sa kanya, at sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..
Ibinahagi rin niya ang hirap na makita ang kanyang mga magulang na naglalakbay pa mula Nueva Ecija nang walong hanggang sampung oras para lamang siya’y madalaw. Aniya, masakit para sa kanya na isang taon matapos siyang makabalik ay nananatili pa rin siyang nakakulong sa kabila ng kanyang paninindigang inosente siya.
Humihingi ngayon ng tulong si Veloso sa publiko upang mapabilis ang kanyang paglaya. Hiling niya ang pagkakataong makapiling ang kanyang pamilya matapos ang halos 16 na taong pagkakahiwalay, lalo na ang kanyang mga anak na hindi niya nasubaybayan ang paglaki.
Sa kabila ng patuloy na pagkakapiit, sinabi ni Veloso na nananatili ang kanyang pag-asa at pananampalataya na balang araw ay tuluyan na siyang makakalaya at makababalik sa kanyang pamilya.

