Lakas

Pinakilos ni Romualdez Lakas-CMD mambabatas upang isulong prayoridad na panukalang batas ni PBBM sa ilalim pamumuno ni Speaker Dy

147 Views

NANAWAGAN noong Martes si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang mga kasamahan sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na magbuklod at aktibong isulong ang mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa malapit na pakikipagtulungan sa mga pinuno ng lahat ng partidong pampulitika sa Kapulungan ng mga Kinatawan.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang Kapulungan ay matatag na nasa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na gumagabay sa kapulungan sa pagtalakay at pagsasabatas ng mga prayoridad na hakbang na inendorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Iginiit niya na ang pagkakaisa, disiplina, at kooperasyon ng iba’t ibang partido ay mahalaga habang nagsisikap ang Kapulungan na maisalin sa kongkretong batas ang adyenda ng Pangulo.

“Bilang mga mambabatas, ang ating pangunahing responsibilidad ay ang magpasa ng mga batas na tuwirang magpapabuti sa buhay ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Romualdez.

“Buong suporta ang Lakas-CMD sa mga prayoridad na panukalang batas ng Pangulo at sa konstruktibong pakikipagtulungan kay Speaker Bojie Dy at sa lahat ng mga pinuno ng partido sa Kapulungan.”

Binigyang-diin din niya ang papel ng House Majority Leader na si Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, at binanggit na ang matibay na koordinasyon sa pagitan ng pamunuan ng Kapulungan at ng mayoryang bloke ay mahalaga upang matiyak ang episyente at maayos na pagpasa ng mga prayoridad na panukalang batas.

Idiniin ni Romualdez na bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte, nananatili siyang nakatuon sa makabuluhang paggawa ng batas—mga panukalang nagtataguyod ng inklusibong paglago, nagpoprotekta sa kapakanan ng publiko, at sumusuporta sa pangmatagalang pambansang kaunlaran—habang nakikiisa sa sama-samang pagsisikap na isulong ang programang lehislatibo ng administrasyon.

“Sa limitadong panahon at mabigat na gawain, ang pinakamahalaga ay manatili tayong nakatuon sa mga batas na maghahatid ng tunay at kongkretong benepisyo sa mga Pilipino,” ani Romualdez. “Sa ganitong paraan natin nahuhubog ang pangmatagalang pamana ng administrasyong ito.”