Calendar
Sen. Ping: Caucus para kay Sen. Bato nakatakda sa Lunes
MAAARING kailangang muling suriin ng Senado ang mga panuntunan nito upang matugunan ang patuloy na pag-absent ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson.
Maaari itong mabanggit at mapag-usapan sa all-senators’ caucus sa Lunes, ayon sa senador.
“(May rules) kami pag continuous absence sa committee, nawawala ang membership sa committee. As far as plenary, wala kaming rules.
I think we should revisit the rules of the Senate para ma-incorporate ang situation like that of Sen Bato,” ayon kay Lacson.
Tumigil na sa pagdalo sa mga sesyon ng Senado si dela Rosa mula pa noong huling parte ng 2025.
Nagtatago umano siya mula nang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Tinukoy din ng ICC sina dela Rosa at Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go bilang mga “co-perpetrators” sa naturang kampanya kontra droga.
Ayon kay Lacson, may napag-usapan na ang mga senador tungkol sa mga posibleng hakbang kaugnay ng sitwasyon ni dela Rosa ngunit wala pang napagkasunduang hakbang sa ngayon.

