Lagman

Deal ng TV5, ABS-CBN idinipensa

Mar Rodriguez Aug 24, 2022
266 Views

ANG isinagawang “joint inquiry” ng House Committee on Legislative Franchises at House Committee on Trade and Industry hinggil sa kontrobersiyal na “investment deal” sa pagitan ng ABS-CBN at TV5 ay tuwirang nagpapawalang-saysay sa esensiya ng “press freedom” sa bansa, ayon kay Albay 1st Dist. Cong. Edcel Lagman.

Ito rin ang nakasaad sa liham na ipinadala ni Cong. Lagman kay House Speaker Martin G. Romualdez matapos isagawa ang unang pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises at House Committee on Trade and Industry kaugnay sa nasabing isyu.

Ang isinagawang pagdinig ng dalawang pinagsanib na komite ay alinsunod sa napapa-ulat na natamo ng ABS-CBN ang 34.99% mula sa “total outstanding capital stock” ng TV5 na pag-aari ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan.

Kaugnay nito, iginiit ni Lagman na matatawag na “fair play” o makatuwiran lamang ang naging “investment deal” sa pagitan ng ABS-CBN at TV5 matapos ikatuwiran ng mambabatas na hindi dapat isailalim sa tinatawag na “Philippine Competition Commission” ang pagbusisi at pag-apruba sa nasabing kasunduan.

Ipinaliwanag ng Bicolano solon na kaya nito nasabing “fair play” ang nasabing “investment deal” ay dahil P4.45 billion lamang ang napagkasunduan ng dalawang higanteng TV network mas mababa umano sa P50 billion threshold na itinakda sa ilalim naman ng “Bayanihan to Recover as One Law”.

“I write on behalf of my constituents and concerned citizen’s about the looming House investigation which may result in derogation of press freedom and free speech. The bedrock of democratic governments,” nakasaad sa sulat ni Lagman kay Speaker Romualdez.