Chiz

Sen. Chiz mangunguna sa pagdinig sa pagbabawal sa kamag-anak ng mga execs sa govt contracts

292 Views

SI Sen. Francis “Chiz” Escudero ang mangunguna sa pagdinig ng Senado sa panukalang batas na magbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng pamahalaan na pumasok sa mga kontrata ng gobyerno dahil sa pagkakatalaga sa kanya bilang chairperson ng bagong likhang subcommittee sa ilalim ng Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation.

Nirefer ng Senado ang Senate Bill No. 783 sa naturang subcommittee.

Si Escudero ang principal author ng panukala na naglalayong ipagbawal ang mga opisyal ng pamahalaan at kanilang mga kamag-anak hanggang ikaapat na civil degree na makilahok sa mga kontrata ng gobyerno.

Co-author ng panukala sina Sens. Christopher Lawrence “Bong” Go at Joel Villanueva.

Sa paghahain ng panukala, sinabi ni Escudero na ang pagbabawal sa mga opisyal at kanilang mga kamag-anak na makilahok sa mga proyekto ng gobyerno ay makatutulong upang “boost procurement safeguards” at masara ang mga puwang na maaaring pagmulan ng undue influence sa mga transaksyon ng pamahalaan.

Bahagi ng mga pagtalakay sa Senado ang paglikha ng subcommittee upang pagtibayin ang mga hakbang para sa transparency at accountability sa public procurement.

Inaasahang pagtuunan sa mga pagdinig ang pagrepaso sa mga panukalang may kaugnayan sa mga alituntunin sa kontrata ng pamahalaan.