TOTAL LUNAR ECLIPSE INAASAHAN SA MARSO 3, 2026

328 Views

Inaanyayahan ng Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) ang publiko na saksihan ang inaasahang Total Lunar Eclipse sa gabi ng Marso 3, 2026.

Ayon sa DOST-PAGASA S&T Media Service, makikita sa Maynila at iba pang bahagi ng Pilipinas ang kabuuang pagtakip ng anino ng mundo sa buwan sa loob ng humigit-kumulang 59 minuto at 24 segundo.

Magsisimula ang totality o ganap na pagtakip ng anino alas-7:04 ng gabi, habang ang maximum eclipse ay inaasahang magaganap alas-7:34 ng gabi.

Ipinaliwanag ng ahensya na sa rurok ng eklipse, 100 porsiyento ng disk ng buwan ang matatakpan ng umbral shadow ng mundo. Dahil dito, magmumukhang mapula ang buwan—isang penomenong kilala bilang “Blood Moon.”

Sinabi ng PAGASA na ligtas panoorin ang lunar eclipse at hindi kailangan ng espesyal na proteksiyon sa mata, taliwas sa solar eclipse. Bagamat makatutulong ang binoculars para sa mas malinaw na tanaw, maaari itong masaksihan gamit ang hubad na mata kung maganda ang panahon.

Ganap na makikita ang naturang eklipse sa Eastern Asia, Australia, Central Pacific at karamihan ng Americas.

Hinimok ng DOST-PAGASA ang publiko na magmasid sa gabi ng Marso 3, kung papayagan ng panahon.