Calendar
Villar inihain Senate Reso 313
NAGPAHAYAG ng matinding pag-aalala si Senador Mark Villar sa nagbabantang krisis sa kalusugan ng publiko habang naghain siya ng Senate Resolution No. 313 na nananawagan ng agarang pagdinig, in aid of legislation, hinggil sa paglaganap ng chronic kidney disease (CKD) sa Pilipinas, lalo na sa kabataan.
“Ayon sa Department of Health, pabata nang pabata ang tinatamaan ng CKD sa bansa—may reports din po tayong natatanggap na nine years old pa lang ay may malubhang sakit na agad sa bato,” giit ni Villar.
Ayon kay Villar, bagama’t may mga umiiral nang hakbang laban sa CKD, may nakikita pa ring mga puwang na dapat tugunan. Binanggit niya ang pagpasok ng ultra-processed foods at ang pagbabago sa pagkain ng mga tao bilang mga salik na nangangailangan ng bagong paraan upang mapigilan ang pagtaas ng ganitong chronic disease.
“Naghain po tayo ng resolution na ito dahil naniniwala tayo na sa panahon ngayon, hindi na lang dapat basta reactive ang ating mga hakbang laban sa CKD,” dagdag niya.
Layunin ni Villar na repasuhin ang kasalukuyang mga programa at interbensyon ng pamahalaan tungkol sa CKD, mula sa mga kampanya sa kaalaman hanggang sa suportang ibinibigay sa mga pasyenteng sumasailalim sa gamutan.
“Gusto natin na mas magkaroon ang gobyerno ng napapanahon na solusyon sa CKD. We would like to be more proactive in preventing and detecting the disease while fully supporting those who are undergoing treatments,” diin ni Villar.
